Ni ANN ENCARNACION
ASAM ng magkapatid na mixed martial artists na sina Denice “The Menace” at Drex “T-Rex” Zamboanga na maging bahagi ng Team Pilipinas sa Southeast Asian Games at Asian Games.
Inihayag ni Denice na nais niyang sumabak alinman sa wrestling o sambo, habang si Drex ay mas gusto sa kickboxing at boxing.
Ang magkapatid na Zamboanga kasama si coach Fritz Biagtan ang panauhin sa tuwing Martes na Philippine Sportswriters Association (PSA) Forum.
“Mas nakaka-proud po irepresent ang Pilipinas as a national team member,” pag-amin ni Denice, bitbit ang 8-0 record bilang MMA fighter at nakatakdang sumagupa sa ONE: Empower.
Kasama ang 24-anyos na Pinay sa 18 mahuhusay na mixed martial artists na magtatagisan sa Setyembre 3 sa Singapore Indoor Stadium.
Makakatapat ni Denice si Arale Chan o Seo Hee Ham ng South Korea sa quarterfinals ng women’s atomweight World Grand Prix.
Samantala, naghihintay pa ng susunod na laban niya si Drex, may fight record na 8 panalo at 5 talo.
Huling laban niya ay nauwi sa submission win kontra Detchadin Srosirisuphatin ng Thailand.
Ngunit may nakatakda man laban o wala, makikita ang magkapatid na Zamboanga na patuloy sa pagsasanay sa Marrok Force Gym, na kanilang itinayo kasama si coach Fritz.
180 