HINIKAYAT ng isang lider ng Senado ang mga local leader sa Northern Samar na tumulong sa pagpapataas ng public awareness at kumpiyansa ng mamamayan sa bakuna upang maprotektahan ang komunidad mula sa COVID-19.
Pahayag ito ni Sen. Christopher Bong Go, chairman ng Senate Committee on Health and Demography, sa mga residente ng Las Vagas, Northern Samar kasabay ng paghahatid ng kanyang grupo ng tulong sa mga ito.
Sa kanyang video message sa distribution activity sa Las Navas, Northern Samar noong Miyerkoles, hinikayat din ni Go ang mga national at local authorities na pabilisin ang vaccine rollout para masiguro na maging ang mga residente mula sa malalayo at liblib na lugar ay mababakunahan.
“Hindi biro ang magkasakit sa panahong naghihirap pa rin ang ating ekonomiya. Mas lalong hindi biro kung kailangang tubuhan ka para makahinga habang mag-isa kang lumalaban na wala po ang iyong pamilya sa iyong tabi,” ayon kay Go.
Nabatid na inorganisa ng mga staff ni Go ang distribution event sa Las Navas Municipal Gymnasium at hinati ang may 107 beneficiaries mula sa iba’t ibang sectoral groups sa mas maliliit na batch para matiyak na istriktong nasusunod ang safety at health protocols upang maiwasan ang posibleng hawahan ng COVID-19.
Matapos ito ay nagkaloob ang outreach team ng mga pagkain, masks, face shields, at vitamins habang may ilang piling recipients din ang nabigyan ng bisikleta, bagong pares ng sapatos at computer tablets.
Samantala, hinikayat naman ng senador ang mga residente na may health concerns na bumisita sa Malasakit Center sa Northern Samar Provincial Hospital, na matatagpuan sa bayan ng Catarman para madaling makapag-avail ng medical assistance programs ng pamahalaan.
Matatandaang si Go ang nagsulong para maipasa ang batas sa pagpapatayo ng mga Malasakit Center sa bansa, na isang one-stop shop kung saan kumbinyenteng makakapag-aplay ng government aid ang mahihirap na mamamayan para sa kanilang hospital at iba pang medical related expenses.
Kaugnay nito, tiniyak din ng senador sa mamamayan na, “Gagawin po namin ang lahat ng aming makakaya upang malampasan po natin itong krisis na ito. Kailangan lang po magtulungan lang po tayo sa isa’t isa.”
Nabatid na ang grupo ni Go ay nagsagawa rin ng kahalintulad na distribution activities para sa may 300 essential workers sa Lapinig noong Agosto 14 at 200 essential workers naman sa Palapag noong Agosto 26. (ESTONG REYES)
