Ni ANN ENCARNACION
INANGAT pa ni Ernest John “EJ” Obiena ang kanyang personal best jump sa pagtatala ng bagong Philippine pole vault record sa Wanda Diamond League sa Paris.
Binura ng 25-anyos na Pinoy ang kanyang dating national record na 5.85 meter sa pagtatala ng bagong 5.91m mark sa nasabing torneo.
Tumapos si Obiena sa ikalawang puwesto sa Paris, sa likod ni world record holder at 2020+1 Tokyo Olympics gold medalist Armand Duplantis ng Sweden na nagawang tumalon ng 6.01m.
Pumangatlo naman si Christopher Nielsen ng USA sa naitalang 5.81metro.
Ang Diamond League Paris ang ikalawang kompetisyon ng 25-anyos na si Obiena makaraang tumapos sa 11th place lang sa Tokyo Summer Games.
Nagkasya siya sa fifth place sa kabuuang 10 kalahok sa Athletissima, na bahagi ng Wanda Diamond League sa Lausanne, Switzerland noong nakaraang linggo.
Tumalon ng 5.52 meter si Obiena para makisalo sa fifth place kasama sina Ethan Cormont ng France at KC Lightfoot ng United States.
Nanguna sa Athletissima ang American na si Christopher Nilsen na nagawang tumalon ng 5.82 meters, habang pumangalawa ang kababayan niyang si Sam Kendricks.
Pumangatlo si Timur Morgunov ng Russia (5.72m), habang sorpresang pumang-apat lang si Duplantis (5.62m).
128 