ISASAGAWA na ang official qualifiers draw ng FIBA Basketball World Cup 2023 Qualifiers sa Martes (Agosto 31) sa Patrick Baumann House of Basketball sa Mies, Switzerland.
Ang qualifiers draw ang tip-off sa pinaghahandaan ng Gilas Pilipinas na “Road to the FIBA Basketball World Cup 2023.”
Binubuo ng anim na windows ang World Cup na lalaruin sa loob ng 15 buwan sa apat na rehiyon ng Africa, Americas, Asia/Oceania at Europe.
Kabuuang 80 bansa ang mag-aagawan para sa 32 silya sa championship, tampok ang inaabangan ng basketball fans na home and away games.
Ang Africa qualifiers ay may 16 national teams na mag-aagawan sa 5 spots, habang ang Americas ay may 16 na bansang maglalaban para sa 7 silya sa World Cup.
Bilang hosts ng Asia/Oceania, ang Pilipinas at Japan ay awtomatiko nang qualified, habang ang pangatlong host na Indonesia ay kailangang makapasok sa top eight sa FIBA Asia Cup 2021 upang mag-qualify sa World Cup.
Mayroong 16 teams sa Asia/Oceania na mag-aagawan sa 6 na silya, habang sa European qualifiers ay 32 bansa ang magtatagisan para sa 12 silya sa World Cup. (ANN ENCARNACION)
167 