Nagdiwang ng kaarawan sa beach resort POLICE MAJOR NALUNOD

CAVITE – Nalunod ang isang opisyal ng Philippine National Police (PNP) habang nagdiriwang ng kanyang kaarawan sa isang beach resort sa bayan ng Ternate sa lalawigang ito.

Wala nang buhay nang matagpuan ng kanyang mga kasamahan ang biktimang si Police Major Salvador Garcia, nakatalaga sa Las Piñas City Police Station 4, sa Caysubic Beach Resort sa Puerto Azul pasado alas-2:00 ng madaling araw noong Linggo, Setyembre 5, 2021.

Sinubukan pang isugod sa Naic Doctors Hospital si Garcia ngunit idineklarang ng dead on arrival.

Batay sa inisyal na imbestigasyon, habang nag-iinuman ay nagtungo ang biktima sa dagat para maligo ngunit hindi na nakabalik pa.

Makaraan ang 40 minuto, nakita ng kanyang mga kasamahan ang biktima habang nakalutang sa dalampasigan.

Patuloy na iniimbestigahan ng mga awtoridad ang insidente at pinag-aaralan kung may pananagutan ang may-ari ng resort dahil pinayagan na magkaroon ng party sa kabila na ang lalawigan ng Cavite ay nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) status at ipinagbabawal ang pagtungo at pagligo sa beach resorts at water parks. (CYRILL QUILO)

207

Related posts

Leave a Comment