BOC patrol boats vs. smugglers GARANTISADO BILIS AT TATAG

Ni JOEL O. AMONGO
BAGO pa man isabak sa aktuwal na tikaran sa karagatan, isinalang sa matinding pagsubok sa bilis at tatag ang 20 bagong biling patrol boats na pakay gamitin para tugisin ang mga tulisan sa karagatan.
Lulan sina Finance Secretary Carlos Dominguez at Bureau of Customs (BOC) Commissioner Rey Leonardo Guerrero, pumalaot ang mga nasabing fast boats sa Manila Bay at sukdulang isagad ang kapasidad nito lamang nakaraang Setyembre 22.
Sa pagbili ng mga naturang sasakyang pandagat, kumpiyansa naman si Guerrero na tuluyan na nilang matutuldukan at madarakip ang mga pirata at smugglers na nagpupuslit ng mga iligal na kargamento sa bansa, kasabay ng pangakong pagpapahusay ng border security measures ng Enforcement and Security Service Water Patrol Division (ESS-WPD) sa baybaying dagat na pasok sa area of responsibility ng kawanihang pangunahing mandato ay tiyakin ang kaayusan sa kalakalang pinadadaan sa karagatan.
Una nang ininspeksyon nina Dominguez at Guerrero ang 20 patrol boats sa layuning tiyaking angkop ang nakasaad na technical specifications na hanap ng kawanihan.
Sa nasabing test run ng mga pantikad sa karagatan, kabilang din sa mga personal na nakasaksi sa husay at tatag ng mga nasabing patrol boats sa habulan sina Deputy Commissioner for Internal Administration Group Donato San Juan at  Enforcement Group Deputy Commissioner Teddy Raval.
Batay sa technical specifications na nakasaad sa procurement deal ng BOC, ang mga bagong patrol boats ay may sukat 12.7-metrong haba at may tatlong makinang may kakayanang tumakbo ng mahigit sa 45 knots top speed.
Ani Guerrero, ito rin ang kanilang gagamitin sa ‘boarding formalities, patrol, and water pursuits’ sa loob ng mga hangganan ng bansa.
Pagtitiyak pa ni Guerrero, hindi nagtatapos sa pagbili ng patrol boats ang kanilang hangad na full modernization ng kanilang kawanihan.
132

Related posts

Leave a Comment