HOUSE HEARING SA E-SABONG BILL ITINATAGO?

DISMAYADO si Deputy Speaker Eddie Villanueva sa kanyang mga kasamahan sa House committee on legislative franchises dahil mistulang ‘itinatago” ng mga ito sa publiko ang pagdinig sa mga panukalang batas na may kinalaman sa online sabong o e-sabong.

“(Its like) denying the public the chance to further scrutinize the measure,” ani Villanueva dahil hindi naka-live stream ang pagdinig ng komite na pinamumunuan ni Palawan Rep. Franz Alvarez sa e-sabong bill franchise.

Maging sa media ay hindi rin ito inanunsyo.

Sa pagdinig ng komite sa House Bill (HB) 10204 na inakda ni Deputy Speaker Arnolfo Teves Jr. para bigyan ng 25 taong prangkisa ang Visayas Cockers Club, Inc. na mag-operate ng e-sabong, tinangka ni Villanueva na ipagpaliban ito dahil hindi naka-live stream.

Gayunpaman, tinabla ito ng mga miyembro ng nasabing komite kaya dismayado ang mambabatas lalo na’t maraming report na aniya na may mga nagpapakamatay matapos mabaon sa e-sabong.

“CIBAC Party-list received reports of identifiable individuals who committed suicide because of their gambling troubles. They were not from rich families. They were common Filipinos who got hooked on e-sabong because of the game’s addictive allure,” ani Villanueva.

Nangangamba ang mambabatas na lalong mababaon sa kahirapan ang mga Filipino dahil sa mga ganitong uri ng sugal lalo’t hindi na kailangan ng mga ito na pumunta sa mga sabungan para tumaya.

Itinuturing ng mambabatas na anti-poor ang ganitong uri ng sugal dahil ang mahihirap ang target ng mga operator at sinisira umano nito ang pamilyang Filipino. (BERNARD TAGUINOD)

218

Related posts

Leave a Comment