VOTER REG EXTENSION APRUB NA SA COMELEC

PUMAYAG na ang Commission on Elections (Comelec) na palawigin ang voters’ registration hanggang Oktubre 31, 2021 sa harap ng kahilingan ng publiko, ayon kay Senador Imee Marcos.

Sa pahayag, sinabi ni Marcos na nakatakdang pagtibayin ng Comelec ang isang resolusyon upang itakda ang deadline ng pagpaparehistro ng botante sa Oktubre 31.

Ayon kay Marcos, chairperson of the Senate Electoral Reforms Committee, na nakatanggap siya ng impormasyon sa pamamagitan ng telepono mula kay Comelec Director Teopisto Elnas Jr. hinggil sa extension.

“Director Elnas has just called me to inform us that the Commissioners en banc will pass a resolution tomorrow extending the registration to October 31,” ayon kay Marcos.

Nitong Lunes, pinagtibay ng mababa at mataas na kapulungan ng Kongreso sa ikatlo at huling pagbasa ang panukalang batas upang palawigin ng isang buwan ang pagpaparehistro ng botante.

Sa ginanap na budget hearing, sinabi ni Comelec chairman Sheriff Abas na wala silang pagpipilian kundi sundin ang panukala sakaling maisabatas ito.

Noong Lunes ng gabi ay tuluyang pinagtibay sa Kamara ang House Bill (HB) 10261 sa botong 193 yes, 0 negative at 0 abstention.

Isinalang na sa Bicameral conference committee ng dalawang kapulungan ang nasabing panukala at inaasahan na mararatipikahan na ito agad bago mapaso ang Setyembre 30 deadline na itinakda ng Comelec.

Base sa record ng Kamara, mula noong nakaraang linggo ay umaabot pa lamang sa 62 million Filipino ang nakapagparehistro at maaaring bumoto sa 2022 national at local elections.

Gayunpaman, sa report ng Philippine Statistic Authority (PSA), 73 million ang mga Filipino na nasa tamang edad para bumoto kaya mayroon pang 11 million na hindi pa nakapagpaparehistro.

Kinabibilangan ito ng mga first time voter at mga dating botante na tinanggal sa voter’s list dahil hindi nakaboto sa nakaraang dalawang eleksyon.

Isa sa mga sumuporta sa nasabing panukala si Albay Rep. Edcel Lagman subalit hindi umano dapat isang buwan lamang ang ekstensyon sa voter’s registration kundi hanggang Enero 29, 2022.

Binanggit ng mambabatas na nakasaad sa Republic Act (RA) No. 8189 o “The Voter’s Registration Act of 1996” na matatapos ang deadline sa voter’s registration, 120 araw bago ang takdang halalan. (ESTONG REYES/BERNARD TAGUINOD)

144

Related posts

Leave a Comment