MISTULANG lumambot ang Malakanyang nang sabihin na ikukonsidera ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang public opinion sa pagdedesisyon kung ipupursige ang pagtakbo bilang bise-presidente sa 2022.
“The President is sensitive to the sentiments of the public, but we should rather wait for his decision,” ayon kay Presidential spokesperson Harry Roque.
Ang pahayag na ito ni Sec. Roque ay tugon sa resulta ng Social Weather Station (SWS) survey na nagpapakita na 60% ng mga Filipino ang naniniwala na lalabagin ni Pangulong Duterte ang 1987 Constitution kung tatakbo siya bilang bise presidente sa 2022 elections.
Lumabas din sa kahalintulad na survey na 39% ng respondents ang nagsabi na dapat na tumakbo ang pangulo bilang bise-presidente sa halalan sa susunod na taon “because I would like his management of the government to continue.”
Ang natitira namang 1% ay hindi nagbigay ng kanilang sagot.
Si Pangulong Duterte ang nominado ng PDP-Laban wing na pinangungunahan ni Energy Secretary Alfonso Cusi bilang kanilang vice presidential candidate para sa 2022 polls — ang nominasyon ay tinanggap ng pangulo.
Ang paghahain naman ng certificate of candidacy para sa mga tatakbo sa 2022 elections ay mula Oktubre 1 hanggang 8.
Para kay Sec. Roque, naniniwala ang chief executive na walang legal impediment para sa kanyang posibleng 2022 vice presidential run.
“The President is a lawyer and it is not expressly prohibited in the Constitution, and as such it is allowed,” anito. (CHRISTIAN DALE)
170 