JULIAN ONGPIN LUMUTANG SA DOJ

NAGTUNGO sa Department of Justice (DOJ) ang kontrobersyal na si Julian Ongpin kaugnay ng kasong pagdadala ng ilegal na droga na isinampa laban sa kanya makaraang matagpuan ang walang buhay na si Bree Jonson sa isang kuwarto sa La Union.

Ayon kay Prosecutor General Benedicto Malcontento, kasama ni Ongpin ang kanyang abogado para isumite ang ‘counter-affidavit’ sa akusasyon laban sa kanya.

Tiniyak din umano nito na handa siyang harapin ang kasong ibinibintang sa kanya.

Nag-ugat ang kaso nang madiskubre ang nasa 12.6 gramo ng hinihinalang cocaine sa tinuluyan niyang kuwarto sa isang resort sa San Juan, La Union.

Sa nasabi ring silid natagpuan ang walang buhay na visual artist na si Jonson.

Nagsumite ang pulisya ng supplemental affidavit sa preliminary investigation kung saan humiling ang kampo ni Ongpin na pag-aralan ito.

Itinakda ang susunod na pagdinig sa Oktubre 8 at kung walang bagong isyu na ilalabas ang magkabilang kampo ay isusumite na ang kaso para sa resolusyon, ayon pa kay Malcontento.

Patuloy naman ang imbestigasyon ng pulisya at National Bureau of Investigation (NBI) sa pagkamatay ni Jonson na base umano sa awtopsiya ay dulot ng ‘asphyxia’. (RENE CRISOSTOMO)

315

Related posts

Leave a Comment