TNT seryoso, determinadong maging 2021 Philippine Cup champ

PBA OUTLOOK Ni EDDIE ALINEA

IPINAGPATULOY ng Talk ‘N Text Tropang Giga ang pagpapamalas sa kanilang determinasyong mahandugan ang Manny V. Pangilinan (MVP) Group ng kampeonato sa PBA na anim na taon nang di nalalasap ng prangkisa.

Noong Linggo, sa simula ng best-of-seven semifinal round series ng 2021 PBA Philippine Cup semi-bubble, itinuloy ng Katropa ang kanilang pananalasa sa ika-46 season ng liga sa pamamagitan ng 89-88 pagsupil sa mahigpit na karibal na San Miguel Beer sa DHVU Gym sa Bacolor, Pampanga.

Ang panalo ay ika-12 na ng Katropa mula nang umpisahan ang season noong Hulyo 16 sa Ynares Arena sa Pasig City. Mula noon ay isang talo pa lamang ang nalasap ng mga bata ni comebacking coach Chot Reyes na tinapos ang elimination round sa impresibong 10-1 panalo-talong kartada.

Sa hindi sinasadyang pangyayari, ang Beermen mismo ang nagdulot sa Katropa ang kaisa-isa nilang pagkabigo noong Setyembre 8, nang ilipat ang torneo sa Bacolor dala ng pagsailalim sa Kalakhang Maynila sa mas mahigpit na Enhanced Community Quarantine (ECQ) bunga ng muling pagsipa ng COVID-19 cases.

Bigo naman ang ikalawang grupo ni MVP sa isa pang semifinal round schedule makaraang yumukod ang Meralco Bolts sa Magnolia Hotshots, na sister team naman ng Beermen ng RSA (Ramon S. Ang) Group. Tabla, samakatuwid, ang pangkat ng RSA at MVP sa kanilang giyera sa kung sino ang papasok sa finals at kinalaunan ay tatanghaling hari ng PBA 46th season.

Simula noong 2016 hanggang noong nakaraang taon, ang mga koponang ari ng SMC ni Ginoong RSA ang namamayani sa pinakamatandang liga propesyonal sa bansa at Asya. Anim na korona ang naibulsa ng Beermen sa magkakasunod na taon, lima ang nasungkit ng kapatid nilang Barangay Ginebra Gin Kings at isa ang Magnolia.

Tanging koponan pa lamang na nakasingit sa dominasyon ng Beermen ay ang sister team nitong Gin Kings, na nagkampeon sa unang bubble setup noong nakaraang taon. Ang Rain or Shine Elasto Painters naman ay nakapuslit noong 2015-2016 season Commissioner’s Cup.

Sa tatlong koponang ari ni MVP, tanging ang TNT pa lamang ang nakalalasap maupo sa trono. Nangyari ito noong 2014-2015 season, nang maagaw ng noon ay Tropang Texters na hawak ni coach Jong Uichico ang Commissioner’s Cup sa Beermen ni coach Leo Austria.

Samantala, wala pang napapanalunang korona ang dalawa pang teams ni MVP – Meralco at NLEX – bagama’t ang Bolts ni coach Norman Black ay tatlong beses nang nakapag-uwi ng runner up trophy.

Kaya hindi masisisi ang Katropa, lalo na si coach Chot, na gigil na maputol ang paghahari ng RSA at mahandugan ang MVP group ng PBA title. At sa pagpapatuloy ng serye, tatangkain ni Reyes at kanyang Katropa na maka-abante sa 2-0 para mapadali ang kanilang nilalayon.

Target naman ng Bolts at ni coach Norman na maitabla ang serye laban sa Hotshots, at kung papalarin ay magkaroon ng All-MVP Finals sa All-Filipino Cup.

Hindi naman bawal ang mangarap, ‘di ba?

Pero papayag ba naman sina coach Leo at Beermen at coach Chito Victolero at Hotshots na mangyari ito?

Malalaman ang kasagutan makaraan ang dalawa o tatlo pang laro ng best-of-seven series sa pagitan ng apat na teams.

168

Related posts

Leave a Comment