(CHRISTIAN DALE)
OBLIGADO ang mga eskuwelahan na lalahok sa pilot implementation ng limited face-to-face classes na magkaroon ng contingency plan kapag ang ang estudyante o personnel nila ay nasuri na positibo sa COVID-19.
“Mayroon naman [tayong] mekanismo, kaya nga ang plano natin, lahat ng schools, nire-require natin na gumawa ng contingency plan, step-by-step, kung ano gagawin nila kung magkaroon ng ganoong klaseng danger,” ayon kay Education Secretary Leonor Briones sa virtual press briefing ni Presidential spokesperson Harry Roque.
Ang katiyakan ay ibinigay ni Briones bilang pagpapakalma at pag-alis sa pangamba ng mga magulang kung saan ang mga anak ay kasama sa pilot test at maging ang mga school personnel.
Ang limited classroom sessions, na pupunan sa distance learning modalities, ay nakatakdang magsimula sa Nobyembre 15.
Sa ulat, sisimulan na sa Nobyembre 15 ang pilot implementation ng limited face-to-face classes kasabay ng pagtukoy sa 59 paaralan na makakabilang dito.
Sa pagdinig ng Senate committee on basic education, arts and culture ni Sen. Win Gatchalian, binigyang diin ni Health Undersecretary Rosario Vergeire na naniniguro sila na ang 59 na paaralan ay nasa minimal to low risk area at pinili umano ito mula sa mahigit 600 paaralan sa buong bansa.
Sinabi ni Vergeire na sa selection process sa naturang mga paaralan na kanilang nasiguro na mas matimbang ang benepisyo ng limited face-to-face classes kaysa sa panganib at sa pamamagitan ng protocols ay makokontrol ang hawaan ng COVID-19.
Magkakaroon din umano ng regular na risk assessment kada linggo at isusumite sa Department of Education ang listahan ng mga paaralan na patuloy na ibibilang sa pilot implementation ng face-to-face classes.
Sa nasabing pagdinig, sinabi ni Education Undersecretary Nepomuceno Malaluan na isasagawa ang initial run ng face-to-face classes sa 59 paaralan mula Nobyembre 15 hanggang Disyembre 22 habang ang pilot study ay matatapos sa Enero 31, 2022.
Balak din umano ng DepEd na palawakin pa ang face-to-face classes sa ibang lugar sa March 7, 2022.
Daragdagan din ang mga paaralan na target mapaabot sa 120.
Sa inilabas na listahan, ang mga paaralan ay nasa ilang bayan at siyudad sa mga lalawigan ng Masbate, Aklan, Antique, Cebu, Zamboanga Sibugay, Zamboanga del Sur, Lanao del Norte, Sarangani at North Cotabato.
Samantala, inulit ni Sec. Briones na ang pagpapartisipa sa pilot test ay mandatory at ang mga estudyante ay kailangang kumuha ng consent o pagsang-ayon mula sa kanilang mga magulang.
At sa tanong naman kung ang mga guro na lalahok sa pilot test ay makatatanggap ng hazard pay, ang paliwanag ng Kalihim ay mayroon nang “regular hazard pay” na ibinibigay sa mga guro na nakatalaga sa remote areas.
Idinagdag pa nito na mayroon ding P500 COVID-19 hazard pay na ibinibigay sa mga guro na nagtatrabaho sa mga lugar na nasa ilalim ng enhanced community quarantine.
Samantala, sinabi ni vaccine czar Secretary Carlito Galvez Jr. na hindi sabay-sabay babakunahan ang mga nasa age group na 15 hanggang 17 taong gulang at 12 hanggang 14 taong gulang.
“Ang rollout po natin ang mangyayari po muna, Mr. President, para sigurado 15 to 17 years old and then after that iyong 12 to 14 years old, kaya tinatawag natin na incremental po,” ani Galvez sa Talk to the People ni Pangulong Duterte.
Aniya, may 6 na ospital nang napili para sa pagbabakuna ng mga kabataan at pinili ito dahil may kakayahan itong tumugon sakali’t magkaroon ng adverse effects ang bakuna sa mga menor de edad.
Sa usapin naman ng Phase 2, gagawin na ang pagbabakuna sa Oktubre 22 sa piling mga lokal na pamahalaan sa National Capital Region.
“October 22, iyong 2nd phase. Iyong all LGU sa NCR magkakaroon tayo ng mini-roll out at the same time. Dito po may pinili kami na 6 na city but sabi po ng NCR they are already prepared to have that pilot project in every city. Tinitingnan naming kung sino ang prepared na LGU to have mini rollout,” ayon kay Galvez.
Pagdating naman aniya sa phase 3, maaaring gawin ang pagbabakuna sa buong NCR at sa ibang mga lugar na mas mataas sa 50% ang vaccination rate sa senior citizens.
Binanggit din ni Galvez ang CAR, CARAGA, at Regions 1, 2, 3, 4A, 8 at 10 sa mga posibleng maunang rehiyon kasunod ng NCR.
Aniya, importante ang pagbabakuna sa kabataan para makatulong sa pilot implementation ng limited face-to-face classes, sa pagbangon ng ekonomiya at sa kalusugan ng mga bata. (CHRISTIAN DALE)
193 