WALANG balak si Pangulong Rodrigo Roa Duterte na bawiin ang kanyang kautusan sa Executive department officials na huwag pansinin at dumalo sa Senate blue ribbon committee inquiry ukol sa napaulat na overpriced na pagbili ng COVID-19 supply.
Sa kanyang Talk to the People, Miyerkoles ng gabi ay pinuri ni Pangulong Duterte si vaccine czar Carlito Galvez Jr. na nag-ulat na mahigit 1 milyong bakuna na idini-deliver araw-araw sa bansa.
Pinasaringan ng pangulo ang mga senador na walang tigil na iniimbitahan sina Galvez at Health Secretary Francisco Duque III sa Senate hearing ng Pharmally mess.
“Yan ang sinasabi ko, instead of spending your time there sitting down with nothing to do, hindi naman kayo pinapatawag to talk, pinapatawag kayo dun para umupo lang. Then you see these things arriving almost daily. Ikaw yung czar vaccines,” ayon sa Punong Ehekutibo.
Hindi rin nagustuhan ng pangulo ang pagpuna ng mga senador sa kanyang memorandum na nagbabawal sa Cabinet officials na dumalo sa pagdinig, sabay sabing hindi niya babawiin ang kanyang naging kautusan. (CHRISTIAN DALE)
187 