CAVITE – Makalipas ang halos 14 araw, natunton ang bangkay ng isang 22-anyos na construction worker noong Huwebes ng hapon, matapos umanong patayin ng isang dating barangay captain at inilibing ang katawan nito sa isang madamong lugar Cavite City.
Kinilala ang arestadong suspek na si Rowell Tamboon, 40, residente ng Soriano St., Brgy. 24, Caridad, Cavite City habang pinaghahanap ang mga kasama nito na sina Reynald Angeles Mayo, 20; at alyas Totoy, pawang mga responsable sa pagpatay sa biktimang si Ricky Boy Aleman Colarte, ng Soriano St., Brgy. 24, Caridad St., Cavite City.
Si Tamboon, na dating barangay kagawad ang humalili sa namatay na barangay captain sa kanilang lugar ngunit isang araw lamang sa pwesto matapos arestuhin dahil sa ilegal na droga.
Ayon sa ulat ni Pat. Argel Caragay ng Cavite City Police Station, dakong alas-12:40 noong Huwebes ng hapon nang hukayin ang bangkay ng biktima sa isang madamong lugar sa Draga, Brgy. 57, Caridad, Cavite City.
Nauna rito, nakatanggap ang Cavite CPS mula sa PNP E-Sumbong ng impormasyon na isang isang Ricky Boy Aleman ang nawawala simula pa noong Setyembre 22, 2021.
Dagdag pa ang nakuhang impormasyon ang pamilya ng biktima na si Ricky Boy ay pinatay at inilibing ng suspek sa isang madamong bahagi sa Draga. Barangay 57, Caridad, Cavite City.
Bunsod nito, mabilis na nagresponde ang mga operatiba ng Cavite CPS, sa pamumuno ni P/Lt. Col. Gilbert Cruz, hepe ng Cavite CPS, at nagtungo sa binanggit na lugar kasama ang saksi at itinuro si Tamboon bilang suspek sa krimen.
Si Tamboon ay unang naaresto sa drug buy-bust operation dakong alas-9:46 ng gabi noong Miyerkoles.
Nag-ugat umano ang pagpatay ng suspek sa biktima hinggil sa nawawalang papel ng isinanlang motorsiklo sa una na pag-aari ng isang Dante.
Isinumbong umano ng biktima sa may-ari ng tricycle na hindi totoong nawawala ang dokumento kundi itinatago lamang ito ng suspek matapos nitong katayin ang motorsiklo. (SIGFRED ADSUARA)
