CAVITE – Nagpaalam muna ang isang 25-anyos na Indian national bago nagpakamatay sa pamamagitan ng pagtalon sa ilog sa Gen. Trias City at pagkaraan ay natagpuan ang bangkay nito noong Huwebes ng hapon.
Bloated na nang matagpuan ang katawan ni Navjeet Gill Sigh, lalaki, binata at residente ng Leica Homes, Brgy, San Francisco, Gen. Trias City.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Christopher Dumlao ng Gen. Trias City Police Station, dakong alas-3:50 ng hapon nang matagpuan ang nakalutang na bangkay ng biktima sa ilog na sakop ng Brgy. Clara ng nabanggit na lungsod.
Nauna rito, tumawag ang biktima sa kanyang kapatid na si Baljeet Kaurcheema dakong alas-8:15 noong Miyerkoles ng umaga.
Ibinilin umano ng biktima sa kapatid na kunin ang kanyang motorsiklo at mga gamit sa Ilangan bridge sa Brgy. Sta. Clara ng nasabi ring lungsod dahil magpapakamatay ito sa pamamagitan ng pagtalon sa ilog.
Ayon naman sa ilang mangingisda, nakita nila ang biktima nang tumalon sa ilog mula sa tulay ng Ilangan nang papadaan sila sa lugar noong Miyerkoles ng hapon.
Dakong hapon noong Huwebes nang matagpuan ang bangkay ng biktima. (SIGFRED ADSUARA)
474
