Mga kaibigan biniktima TIRADOR NG MOTORSIKLO ARESTADO

CAVITE – Hinihiram muna ng isang 21-anyos na lalaki ang motorsiklo at ipadu-duplicate ang susi nito at pagkaraan ay saka tatangayin ang nasabing sasakyan sa bayan ng Tanza sa lalawigang ito.

Arestado ang nasabing suspek na kinilalang si Lester Cedrick Moreno, 21, binata, ng Brgy. San Juan 1, Gen. Trias City, makaraang ireklamo ng biktimang si Emelyn Cases, 35, residente ng Mendoza St., Gen. Trias City.

Ayon sa ulat ni Pat. John Paul Cruz ng Tanza Police Station, ipinarada ng biktima ang kanyang motorsiklong Yamaha Mio Aerox na may plakang 11800B, sa harapan ng kanyang sari-sari store sa Brgy. Bucal, Tanza dakong alas-5:30 noong Sabado ng hapon, nang tangayin ito ng suspek na tumakas patungo sa A. Soriano highway ng naturang bayan.

Ipinagbigay-alam agad ng biktima ang insidente sa pulisya na nagsagawa ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek.

Ayon sa biktima, nakilala niya ang suspek dahil ito rin ang tumangay ng motorsiklo ng kanyang kaibigan noong Setyembre 26.

Modus operandi umano ng suspek ang manghiram ng motorsiklo at ipadu-duplicate ang susi nito saka tatangayin ang nasabing sasakyan.

(SIGFRED ADSUARA)

87

Related posts

Leave a Comment