TNT o MAGNOLIA?

WALANG mangyayaring All-RSA Group ni Ramon S. Ang ng San Miguel Corp. o All-MVP Group ni Manny V. Pangilinan sa 2021 PBA Philippine Cup Finals.

Ito’y matapos hiyain ng Talk ‘N Text Tropang Giga ang San Miguel Beermen, 97-79, sa Game 7 ng kanilang semis series noong Linggo. Dahil dito, naisaayos ng Katropa ang entablado para sa finals match up kontra Magnolia Hotshots Pambansang Manok.

Nakatakdang magdaos nga-yon ng press conference via Zoom si PBA Commissioner Willie Marcial upang ihayag kung kailan magsisimula ang best-of-seven title series ng Tropang Giga at Hotshots. Nakaugalian nang isang araw pagkatapos ng presscon, sinisimulan ang finals ng bawat conference.

Matatandaang tinalo ng Magnolia ang Meralco, 93-85, sa Game 6 noong Biyernes. Ang Bolts, gaya ng Katropa, ay naglalarong dala ang bandila ng MVP Group habang ang Hotshots ay bahagi ng RSA Group.

“They fought hard for it, and they came out with a great resolve. That’s the most important thing that happened. We’re fortunate to be back in the finals,” paliwanag ni TNT coach Chot Reyes sa panalo ng kanyang tropa kontra SMB, na dinomina ang All-Filipino Cup noong 2014-2019.

Tangka ni Reyes na maibulsa ang kanyang ika-siyam na titulo sa PBA simula nang kanyang coaching career noong 1993 sa Purefoods TJ Hotdogs. Naging bench tactician din siya ng pambansang koponang nakapag-uwi ng silver medal sa 2013 FIBA Asia Championship na ginanap dito sa Pilipinas at nagbigay daan tungo sa pagsabak ng squad sa 2014 FIBA World Cup makaraan ang 36 taong pagkabigong mag-qualify rito.

Si Reyes, five-time PBA Coach of the Year, ay unang beses na makakalaban sa championship si Magnolia head coach Chito Victolero, dating PBA player na nagsimula ang ­coaching career noong 2009. Kinuha siya ng Hotshots noong 2016 at ­ginabayan ang koponan sa titulo noong 2018 Governors’ Cup, nang tapusin ang Alaska Aces, 4-2, sa Game 6 ng finals series.

Para sa 45-anyos at tubong Santa Maria, Bulacan na si Victolero, dehado ang kanyang koponan sa Katropa, at kahit pa sa SMB kung ito ang nagwagi.

“We’re the underdogs. Kaya nga natutuwa kami at nabigyan kami ng mahaba-habang rest bago mag-finals,” wika ng Magnolia mentor. “We needed a good rest para makapag-prepare yung legs and minds namin.”

Ito ang pangatlong ­pag-ka­kataon na lalaban ang Hotshots para sa kampeonato ng All-Filipino Cup sa loob ng apat na taon.

180

Related posts

Leave a Comment