Scholars nganga sa tool kits P6-B PONDO NATUTULOG SA TESDA

KINASTIGO ni Senador Win Gatchalian ang kawalan ng mahusay na fiscal management ng Technical Education and Skills Development Authority (TESDA) dahil malaki-laki pa ang hindi nagagastang pondo nito, dalawa’t kalahating buwan na lang bago matapos ang taon.

“Ito ay kaso ng hindi maayos na pagpaplano at hindi maayos na fiscal management. Kung pipilitin nating gastusin ang natitirang pondo, gagamitin natin ito para lang masabing nagastos natin at ito ang iniiwasan natin,” pahayag ni Gatchalian sa isang pagdinig ng Senado sa panukalang budget ng TESDA para sa 2022.

Upang magasta ng TESDA ang natitira pang pondo, sinabi ng senador na kinakailangan nitong gumastos ng mahigit dalawang (2.02) bilyong piso kada buwan. Ngunit kung susuriin ang datos ng ahensya noong 2020, halos pitong daang (689) milyong piso lamang ang nagagastos nito kada buwan. Nitong Setyembre 24 naman, umabot lamang sa halos limampu’t walong (57.95) porsyento ang Effective Utilization Rate (EUR) ng TESDA.

Dagdag pa ni Gatchalian, ang hindi maayos na paggamit sa pondo ay nauuwi sa mga sitwasyong paglilipat ng pondo sa Philippine International Trading Corporation (PITC).

Una nang pinuna ng Commission on Audit (COA) na noong 2019 ay naglipat ng pondo ang TESDA sa PITC ng halagang umabot sa dalawang bilyong piso. Ngunit nawala na ang otoridad ng ahensyang gamitin ang pondo batay sa General Appropriations Act (GAA) ng Fiscal Year (FY) 2019. Sa ilalim ng Republic Act No. 11464, pinalawig ang bisa ng mga pondo sa ilalim ng 2019 GAA hanggang sa pagwawakas ng taong 2020. Ang pondo ay hindi naibalik sa TESDA o sa National Treasury.

Ang naturang pondo ay inilipat sa PITC upang makabili ng tool kits para sa Special Training for Employment Program (STEP) ng TESDA.

Ngunit nagsimula lamang nitong taon ang delivery ng toolkits at patuloy hanggang ngayon ang pamamahagi nito. Pinuna ni Gatchalian na dahil sa naantalang pagpapamahagi, hindi nagamit ng mga scholar ang toolkits habang isinasagawa ang kanilang mga training.

“Nagiging hadlang ito sa pagkamit ng layunin ng TVET o tech-voc dahil ito ay skills-based training. Kailangan nila yung toolkits upang makapag-practice sila, ngunit paano sila magpa-practice kung wala silang toolkits? Nakakadismaya lang na ang layunin natin ay makakuha agad ng tool kits upang matulungan ang mga trainees na makakuha ng trabaho, pero mukhang hindi ganun ang nangyari,” pahayag ni Gatchalian.

Samantala, tiniyak naman ng TESDA na may nakahanda na itong “catch-up plan” at ang natitirang pondo ay gagastusin para rito. Hinimok ni Gatchalian ang TESDA na iwasan na ang paglipat ng pondo sa PITC. (ESTONG REYES)

126

Related posts

Leave a Comment