(CHRISTIAN DALE)
TUTOL si Vaccine czar Carlito Galvez Jr. sa panukala ng Transportation Department na taasan ang passenger capacity ng public utility vehicles (PUVs) mula 50% at gawin itong 100% sa gitna ng pinaluwag na restrictions sa Kalakhang Maynila.
Ani Galvez, ang gradual increase sa 75% capacity ay mas mabuti hanggang tuluyang bumaba ang kaso ng COVID-19 at ang lahat ng tao sa capital region ay fully vaccinated.
“Maganda sana talaga ‘yung sa mass transport itaas na natin, but I believe i-recalibrate muna natin, maybe ang gawin muna natin siguro 75%,” ani Galvez.
‘Pag nakita nating lalong bumaba ang kaso at nakita natin kayang-kaya at na-vaccinate na halos lahat fully ‘yung ating mga residente sa Metro Manila, maybe we could recommend 100%,” dagdag na pahayag ng kalihim.
Nauna rito, itinulak ng Department of Transportation (DOTr) ang 100% passenger capacity sa public transport vehicles sa Metro Manila upang mabawasan ang matinding epekto ng pandemya at oil price hike sa mga driver at operators.
Tinawagan naman ng pansin ni Galvez ang DOTr na iprayoridad ang mahigpit na pagpapatupad sa health protocols upang masiguro ang kaligtasan ng mga mananakay at mapigilan ang bagong infection habang ang Metro Manila ay nasa ilalim ng Alert Level 3.
222 