BOC official kinasuhan NAMEKE NG CREDENTIALS

KASONG perjury at falsification of public documents ang isinampa ng National Bureau of Investigation laban sa isang opisyal ng Bureau of Customs (BOC) na umano’y gumamit ng mga palsipikadong dokumento sa pagpasok sa gobyerno.

Ayon sa reklamo, isang  Carlos Joey Reyes mula sa Port of Davao ang nagsumite ng mga pekeng credentials para palabasing kwalipikado sa bakanteng pwesto sa nasabing kawanihan.

Batay sa dokumento, taong 2020 nang isumite umano ni Reyes ang mga pekeng credentials sa Civil Service Commission (CSC) na siyang nangangasiwa sa mga posisyon sa gobyerno, subalit nadiskubre lamang ang pamemeke makaraan ang isang taon nito sa nasabing kawanihan.

Sakaling mapatunayan ng walang bahid alinlangan sa husgado, kailangang ibalik ni Reyes ang bawat pisong tinanggap na sweldo at benepisyo – bukod pa sa hatol na pagkakakulong batay na rin sa parusang itinakda sa ilalim ng Revised Penal Code.

Bukod sa mga pekeng credentials, usap-usapan din ang umano’y bulilyasong kinasasangkutan ng nasabing opisyal ng Port of Davao.

Sa datos ng BOC, tatlo na ang sinibak ni Customs Commissioner Guerrero mula sa kawanihan, habang 12 naman ang pinatawan ng suspensyon kaugnay ng kampanya ng BOC kontra katiwalian, bukod pa sa mga itinapon sa malalayong tanggapan dahil sa tigas ng ulo at pagsuway sa kanilang reglamento.

Babala ni Guerrero, marami pa ang kanilang kakalusin sa hangaring linisin ng husto ang kanilang ahensya, kasabay ng pahayag kaugnay ng kabi-kabilang pagsasampa ng mga kasong administratibo sa mga sablay na tauhan ng kanilang kawanihan.

Aniya, isinailalim na rin sa imbestigasyon ng Customs Intelligence and Investigation Service (CIIS) ang 126 opis­yal at kawani ng BOC.

Sa nasabing bilang, 31 ang sinampahan ng mga kasong administratibo, habang 57 kaso naman ang inindorso na sa National Bureau of Investigation (NBI) at isa sa Office of the Ombudsman para sa kaukulang aksyon.

Mula Enero hanggang Setyembre, binalasa rin ni Guerrero ang kawanihang pinamumunuan. Sapul sa reshuffle ang anim na ni-relieve sa pwesto (floating) habang 543 iba pa ang idinestino sa malalayong tanggapan ng kanilang kawanihan dahil sa kinasangkutang iregularidad sa pagganap ng kani-kanilang tungkulin sa BOC.

168

Related posts

Leave a Comment