SILAT sa mas pinahigpit na pagbabantay ng mga kawani ng Bureau of Customs (BOC) sa pangunahing Puerto ang hindi bababa sa 45 units ng mga segunda-manong motorsiklo at jetski na tinangkang ipuslit sa South Harbor sa lungsod ng Maynila kamakailan.
Sa tala ng BOC-Port of Manila, Oktubre 3 pa nang lumapag sa South Harbor sa Maynila ang isang 40-foot container na naglalaman ng mga nasabing segunda-manong sasakyan mula sa Japan.
Batay sa mga dokumentong nakalap mula sa nasabing kawanihan, idineklarang e-bikes ang laman ng kargamentong nakapangalan sa isang Fastside Consumer Goods Trading na tumatayong consignee.
Subalit nagduda ang Enforcement Security Service (ESS) sa laman ng nasabing kargamentong pinadaan sa makabagong x-ray machines ng kawanihan, bagay na nagtulak sa nasabing tanggapang humingi ng permiso para sa aktuwal at mano-manong inspeksyon. Dito na tumambad ang mga mga segunda-manong motorsiklo at jet skis na malayo sa idineklara base sa mga isinumiteng dokumento.
Sa bisa ng Warrant of Seizure na inilabas ni Port of Manila District Collector Michael Angelo Vargas, agad na kinumpiska ang mga nasabing segunda-manong motorsiklo at jet ski kasabay ng pag-
hahain ng kaso laban naman sa Fastside Consumer Goods Trading.
Pagtitiyak naman ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, hindi na makakalusot ang mga kahalintulad na modus ng mga importer lalo pa’t may kakayahan na ang kanilang kawanihang makita ang laman ng bawat kargamento gamit ang kanilang mga makabagong x-ray machines.
167 