USONG-USO ang viber group ngayon, at may messenger at iba pang communication platform ng mga magkakaopisina, magbabarkada, magkakamag-anak, magkakapamilya at iba pa.
Isa sa mga inaasahan ko na mayroong group chat ang government officials lalo na ang secretaries dahil kailangan nilang sumabay sa makabagong teknolohiya para magampanan nila ang kanilang trabaho nang maayos.
Kahit karamihan sa secretaries ay mga liyebo 60 na at isa sa mga huling natuto sa paggamit ng internet at social media, kailangan nilang sumabay sa makabagong teknolohiya dahil kung hindi ay mapag-iiwanan sila.
Pero parang walang group chat ang secretaries dahil hindi coordinated ang lahat ng kanilang kilos at kanya-kanyang diskarte pa rin sila kaya walang maayos na plano.
Halimbawa rito, ‘yung desisyon ng Inter-agency task force (IATF) na ibaba na sa Alert Level 2 ang quarantine restriction sa Metro Manila, mukhang may sablay pagdating sa kapakanan ng commuters.
Kung may plano na ibaba na sa Alert Level 2 ang quarantine restriction dapat sabayan ‘yan ng ibang aksyon tulad ng pagpaparami ng mga pampublikong sasakyan sa mga lansangan.
Kung napapansin niyo, limitado pa rin ang public utility vehicles (PUV) sa Metro Manila dahil nang magsimula ang pandemya noong 2020, hindi na sila pinabiyahe at nang humupa ng konti ang virus na mula sa China, may pinayagan na bumiyahe pero hindi lahat.
Hanggang ngayon ay maraming PUV ang hindi pa bumibiyahe at itinakda lang sa 75% ang seating capacity ng bawat pampublikong sasakyan kaya limitado ang masasakyan ng mga tao.
Ang resulta n’yan, lalong nahihirapan ang commuters sa pagpasok at pag-uwi sa trabaho kada araw at kahit binuksan na ang ekonomiya, papaano pupunta sa mga pamilihan ang mga tao kung walang masakyan?
Bago ang pandemya, matindi na ang problema sa kakulangan ng pampublikong transportasyon kaya ang mga manggagawa ay agawan ng masasakyan at sa pag-aagawan nila, halos nasa gitna na sila ng kalsada, ngayon pa kaya?
Sigurado lahat ng government officials ay may sasakyan at sariling driver pa kaya hindi nila ramdam ang hirap na pinagdadaanan ng commuters araw-araw dahil sa kakulangan ng masasakyan.
Pero maiiwasan sana ‘yan kung coordinated ang kilos ng lahat ng nasa gobyerno, lalo na ang secretaries, agency heads at kung sino-sino pang Poncio Pilato na nagpapatupad ng batas sa gobyerno.
Sabi ko nga, may viber at messenger naman bakit hindi pinaghandaan ng Land Transportation Office (LTO)-Department of Transportation (DOTr) ang pagpapababa sa Alert Level 2 sa quarantine restriction?
Kung nag-uusap ang government officials sa private group man lang at may plano na ibaba ang alert level, dapat kumilos ang ibang ahensya para paghandaan ito sa kanilang hanay at i-assume na magkukulang ang sasakyan dahil lalabas na ng kanilang bahay ang mga tao.
Sabi nga ng mga henyo, walang problema na hindi mareresolba sa maayos na pag-uusap, koordinasyon pero ang nangyayari, kikilos si IATF pero hindi pinaghandaan ni LTO, ang bagsak ng problema ay sa ordinaryong mamamayan na nagko-commute lang.
172 