SARA DI NA TATAKBONG MAYOR NG DAVAO CITY

TULAD ng inaasahan, binawi na ni Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio ang kanyang kandidatura para alkalde ng nasabing lungsod.

Sa kanyang official Facebook page, hayagang sinabi ng anak ng Pangulo na ang kanyang kapatid na si Baste Duterte ang hahalili bilang kandidato sa kanyang pambato ng partidong Hugpong ng Pagbabago (HnP) sa nasabing lungsod.

Gayunpaman, nananatiling tikom si Duterte-Carpio kaugnay ng usap-usapang pagtakbo nito bilang Bise-Presidenteng katambal ni dating Senador Ferdinand “Bongbong” Marcos na una na niyang inihayag na susuportahan para sa 2022 presidential derby.

Sa pag-angat ng pwestong aasintahin ng kapatid niyang si Basti, papalit naman bilang kandidato bilang Vice Mayor ng Davao City ang isang nominadong kinilalang si atty. Melchor Quitain.

“Ngayong hapon wini-withdraw ko ang aking kandidatura sa pagka-Mayor ng Davao City. Si VM Baste ang papalit sa akin. Si Atty. Melchor Quitain ang nominado namin sa pagka-Bise Alkalde. Ito lamang po muna. Maraming salamat po,” saad ng kalatas ni Duterte-Carpio.

Wala pang pahayag ang kampo ni Marcos kaugnay ng pag-atras ng anak ng Pangulo. (FERNAN ANGELES)

212

Related posts

Leave a Comment