Kampanya kontra agri-smuggling OH MY GULAY KUMPISKADO!

Ni JOEL O. AMONGO

MULA Enero hanggang Setyembre, tumataginting na P545-milyong halaga ng mga smuggled farm products mula sa bansang Tsina ang nasabat ng Bureau of Customs (BOC) sa pagpapatuloy ng masigasig na kampanya laban sa mga tangkang pagpupuslit ng iba’t ibang produktong pang-agrikultura papasok sa bansa.

Sa ulat ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, pinakamarami ang bigas na kanilang nasabat, kasunod naman ang sibuyas at bawang. Sa kanilang pagtatala, pumalo na sa P206.8 milyon ang halaga ng mga bigas ang nakumpiska sa iba’t ibang pasilidad ng nasabing kawanihan.

Pumangalawa naman ang kumpiskadong sibuyas na may halagang P190.5 milyon habang nasa ikatlong pwesto naman ang bawang na humigit kumulang P55 milyon.

Bukod sa nasamsam na agricultural products, patong-patong na asunto rin ang inihain ng BOC action Team Against Smugglers (BATAS) sa Department of Justice.

Sa record ng 14 na kasong kriminal ang isinampa sa 41 katao kabilang ang mga importers at kasapakat ng customs brokers, habang kasong administratibo naman ang inihain sa Professional

Regulation Commission (PRC) laban sa mga kasabwat na kawani mula sa iba’t ibang pwerto kung saan tinangkang ipuslit ang mga nasabing kargamento.

Kinansela na rin ang akreditasyon ng dalawang rehistradong importers, samantalang suspensiyon naman ang ipinataw sa 23 iba pa.

Pagtitiyak ni Guerrero, paiigtingin pa nila ang paghihigpit sa agricultural smuggling bilang tugon sa panawagan ng mga magsasakang lubhang apektado sa pagbaha ng mga smuggled na bigas at gulay sa merkado kung saan higit na mababa ang presyo ng mga ito.

188

Related posts

Leave a Comment