PINAALALAHANAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte ang Commission on Elections (Comelec) na magpalabas ng mas maayos na regulasyon para sa nalalapit na campaign season para sa 2022 polls.
Ang opisyal na campaign season para sa May elections ay magsisimula sa Pebrero ng susunod na taon.
“I’d like to remind the Comelec that you must give the candidates really the space and the whatever modality there, because there can never be an election without a campaign,” ayon sa Pangulo sa kanyang Talk to the People, Martes ng gabi.
Inamin ng Pangulo na ang pandemya ang magiging problema ng Comelec dahil kailangan nitong magdesisyon kung ang mga kandidato ay papayagan na mag-assemble ng malaking pagtitipon.
Ang mga kandidato naman aniya ay hindi makakapagkampanya sa pamamagitan lamang ng pagsigaw sa isang sulok.
“You have to have a place where maybe they would limit the attendance or the number of people there,”ayon sa Pangulo sabay sabing may ilang kandidato ang walang kakayahan na gumastos para sa television ads.
Sa ulat, bukas ang komisyon na payagan ang 10% event capacity limit para sa physical campaign rallies sa 2022.
Ito ay kasunod ng pag-apruba ng Comelec sa “new normal guidelines” kung saan nangangailangan na ang mga dumalo sa mga pisikal na pagtitipon ay dapat limitado sa 10% ng kakayahan ng isang venue.
Sa kabila nito, ang mga menor de edad at 65-anyos pataas ay hindi maaring dumalo sa face-to-face events, ayon sa draft rules ng Comelec.
Ang mga dadalo naman ay kailangan magsuot ng face mask at face shield, sumailalim sa health screening, may distansiyang isang metro, at sumunod sa lahat ng iba pang mga nauugnay na protocol na itinakda ng Inter-Agency Task Force for the Management of Emerging Infectious Diseases, Department of Health, at local government units.
Gayunman, may alinlangan dito ang mga mambabatas dahil mahirap umano itong ipatupad.
Sinabi naman ng Comelec na pag-aaralan nila ang posibilidad na taasan ang bilang ng mga tao na papayagan sa panahon ng face-to-face campaign events. (CHRISTIAN DALE)
183 