AABOT sa mahigit P4.72 milyong halaga ng iba’t ibang gulay at mga sangkap sa pagluluto ang nasabat ng mga tauhan ng Bureau of Customs (BOC) sa isinagawang inspeksyon sa isang malaking bodega sa Catmon, Malabon City kamakailan.
Bitbit ang Letter of Authority at Mission Order na pirmado ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, kinumpiska ng mga operatiba mula sa Manila International Container Port (MICP), Department of Agriculture DA), National Intelligence Coordinating Agency (NICA), Department of Trade and Industry (DTI) at Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang iba’t ibang produktong agrikultura kabilang ang mga broccoli, carrots, red onions na pinaniniwalaang ipinuslit sa bansa mula pa sa Tsina.
Pagpasok ng mga operatiba sa nasabing warehouse, tumambad ang pitong reefer vans na ginagamit bilang cold storage facility kung saan nakalagak ang mga smuggled broccoli, carrots, red onions, at iba pang imported products.
Sa dami ng mga kumpiskadong agricultural products, hindi na nagawa pang embargohin ang mga nasabing kargamento, at sa halip ay ipinasya na lamang na ikandado at lagyan ng selyo ang mga reefer vans – at maging ang mismong warehouse kung saan ikinubli ang mga ito.
Sa isang pahayag, muling nagbabala si Guerrero sa iba pang magtatangkang magpuslit ng mga iligal na kargamento sa bansa. Aniya, hindi sila magsasawang kumpiskahin at sirain ang anumang kalakal na inaakala nilang maglalagay sa peligro sa kalusugan ng mga tao at maging yaong nakakaapekto sa ekonomiya ng bansa.
(JOEL AMONGO)
