HINDI biro ang tungkulin at peligrong sinasagupa ng mga operatiba. Ito ang pagtitiyak ni Customs Commissioner Rey Leonardo Guerrero, kaugnay ng pagpapamahagi ng mga bago at angkop na tactical field uniforms para sa mga miyembro ng Enforcement and Security Service (ESS).
Sa lingguhang formation ng ESS, ibinida rin ang kanilang mga bagong unipormeng akma para sa mga kawaning klasipikadong front line workers ng nasabing ahensya.
Paliwanag ni Guerrero, malaking bentahe sa kanilang mga operatiba ang wastong kasuotang may kakayahang magbigay ng dagdag proteksyon sa pagganap ng atas ng walang pinipiling oras ng tungkulin sa nasabing ahensya.
Partikular na tinukoy ng opisyal ang patuloy na peligrong dala ng pandemya sa hanay ng kanilang mga kawaning patuloy na nagtatrabaho nang hindi alintana ang panganib na dala ng COVID-19.
Ang mga nasabing uniporme rin aniya ang gagamitin ng ESS sa kanilang anti-smuggling operations at maging sa pagsalubong at paghahatid ng mga bakuna kontra COVID-19 na lumalapag sa mga pasilidad na saklaw ng Bureau of Customs (BOC) sa iba’t ibang panig ng bansa.
Nag-isyu na rin kamakailan ang kawanihan ng mga body camera sa mga operatiba bilang bahagi ng modernisasyon ng BOC.
