BINITBIT ng mga operatiba ng Station Drug Enforcement Team (SDET) ng Manila Police District – Jose Abad Santos Police Station 7, ang isang 47-anyos na executive officer (EX-O) ng barangay dahil sa pagkakasangkot sa kalakaran ng ilegal na droga sa Tondo, Manila.
Dahil sa tawag sa telepono ng isang concern citizen, nabunyag ang ilegal na aktibidades ng suspek na kinilalang si Ronald Santiago y Maliclic, kaanib ng Commando Gang, executive officer ng Brgy. 152, Zone 14.
Agad nagsagawa ng surveillance operation ang mga awtoridad sa suspek at nang magpositibo ay kinompronta saka kinapkapan naging dahilan upang makumpiskahan ng ilegal na droga.
Base sa ulat ni P/Lt. Harry Ruiz Lorenzo III, station commander, bandang alas-3:45 ng madaling araw nitong Biyernes nang mabulaga si Santiago sa riles ng tren, malapit sa Antipolo St. sa Tondo.
Hindi akalain ng suspek na siya ang pakay ng mga tauhan ng MPD-SDET kaya ito nabigla at nang kapkapan ay nakumpiskahan ng tatlong sachet ng umano’y shabu na 1.5 gramo ang timbang at tinatayang P10,200 ang halaga.
Samantala, nang magsagawa ng follow-up operation ang SDET, isang bading na kinilalang si John Carlo Macaranas y Zarate, 18, ng Bolinao St., Sta. Cruz, Manila ang inaresto makaraang makumpiskahan ng isang sachet ng umano’y shabu.
Napag-alaman na ang suspek ay kabilang sa drug watchlist sa kanilang barangay dahil sa paggamit ng shabu. (RENE CRISOSTOMO)
163 