MAKARAANG kondenahin ng Department of Foreign Affairs (DFA) kaugnay ng pagtataboy ng Tsina gamit ang water cannon sa dalawang supply boats ng Philippine Navy patungong Ayungin Shoal, iginiit ng tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry na pumasok sa kanilang teritoryo ang mga sasakyang dagat ng Pilipinas na maghahatid sana ng pagkain sa mga sundalong nasa pinagtatalunang teritoryo.
Ayon kay Zhao Lijian na tumatayong tagapagsalita ng Chinese Foreign Ministry, teritoryo nila ang bahagi ng West Philippine Sea na tinawag niyang Ren’ai Jiao.
“On the evening of November 16, two Philippine supply boats trespassed into waters near Ren’ai Jiao of China’s Nansha Qundao without China’s consent,” ani Zao sa isang pahayag, sabay depensa sa Chinese Coast Guard na umano’y tumutupad lang sa kanilang tungkulin. – ang pangalagaan ang kapayapaan sa nasabing bahagi ng karagatan at igiit ang soberanya ng kanilang bansa.
Gayunpaman, hindi nagpatinag ang Philippine Navy na determinadong bumalik sa karagatan para ituloy ang naantalang paghahatid ng supply sa mga sundalo sa Ayungin Reef kung saan naka-istasyon ang BRP Sierra Madre, batay na rin sa direktiba ni National Security Adviser Hermogenes Esperon.
Pagtitiyak ni Esperon na itutuloy pa rin ang paglalayag ng mga sasakyang dagat ng Pilipinas sa nasabing teritoryong aniya’y sakop ng exclusive economic zone ng bansang Pilipinas.
Upang tiyakin ang seguridad ng mga sasakyang dagat na maghahatid ng mga mga pangangailangan ng mga sundalo – at maging ng mga Pilipinong maglalayag sa nasabing rehiyon, mag-aantabay ang mga barko ng Philippine Coast Guard (PCG) at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources sa mga lugar na sakop ng West Philippine Sea.
Pag-aari ng Pinoy
Mistulang tugon sa nasabing pahayag ng China, kinastigo ni Senador Grace Poe ang panghihimasok nito sa West Philippine Sea (WPS) partikular sa Ayungin Shoal na pawang pag-aari aniya ng Pilipino at nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas.
Sa pahayag, sinabi ni Poe na walang hurisdiksyon ang Tsina sa katubigang sakop ng “ating exclusive economic zone, at wala itong karapatang harangin ang ating mga bangkang nagdadala ng mga pangangailangan ng ating mga kasundaluhan”.
“Ang West Philippine Sea, kabilang ang Ayungin Shoal, ay pag-aari ng sambayanang Pilipino,” ani Poe.
Sinabi ni Poe na dapat nang ipamalas ng pamahalaan ang matibay na paninindigan at determinasyon upang tutulan ang agresibong gawain ng Tsina at bigyang-diin ang ating pag-angkin sa karagatang-sakop ng ating teritoryo.
“Mariing nananawagan ang sitwasyong ito ng kinakailangang paggiit sa ating soberanya alinsunod sa international law,” giit ni Poe.
Dapat aksyunan
Para naman kay Magdalo party-list Rep. Manuel Cabochan III, dapat nang aksyunan ng gobyerno ni Pangulong Rodrigo Duterte ang ilegal na ginagawa ng China sa teritoryo ng Pilipinas sa West Philippine Sea (WPS).
“Makailang beses na tayong ginaganito ng China na kaibigan daw natin kuno. Hanggang kailan natin tatanggapin ang ganitong pagtrato sa loob mismo ng ating teritoryo?,” tanong ng mambabatas.
Lalo aniyang lumalakas ang loob ng China na gumawa ng ilegal laban sa mga Pilipino sa WPS dahil sa pananahimik ng matataas na lider ng bansa.
Pruweba rin umano ang aksyong ito ng China sa layunin nitong tuluyang palayasin ang mga Pinoy sa WPS.
“This should be a reminder for the Philippine government to be more assertive in protecting our sovereignty. It is obvious that China intends to force us out of our territory in the West Philippine Sea,” babala ng kongresista.
Ang Ayungin shoal na bahagi ng Exclusive Economic Zone at Continental Shelf ng Pilipinas ay binabantayan ng puwersa ng Philippine Navy (PN) na lulan ng BRP Sierra Madre.
Posible umanong nais nang palayasin ng China ang nasabing barko ng Pilipinas na sinadyang isadsad sa nasabing reef mula 1999 upang magsilbing himpilan ng nagbabantay na mga tauhan ng Phil. Navy. (JESSE KABEL/ESTONG REYES/BERNARD TAGUINOD)
168 