DOTr PUMALAG SA ISYUNG DELAYED ANG MRT-3 PROJECT

DOTR

(NI KEVIN COLLANTES)

HINDI naantala ang rehabilitation project ng pamahalaan para sa Metro Rail Transit Line 3 (MRT-3).

Ito ang ginawang paglilinaw kahapon ng Department of Transportation (DOTr) kasunod ng mga ulat na delayed ang naturang proyekto.

Ayon sa DOTr, Nobyembre 2018 pa nang simulan ng ng Sumitomo Corporation ang rehabilitasyon at maintenance service para sa naturang mass railway system.

Paliwanag ng DOTr, matapos lumagda sa Rehabilitation and Maintenance Agreement (RMA) ang ahensya noong December 28 ng nakalipas na taon, nagsimula naman ang Sumitomo na mag-mobilize ng kanilang advance engineering teams sa MRT-3 habang nitong Pebrero naman ay inumpisahan na nila ang pagbili ng mga riles, parte ng tren at iba pang kakailanganin para sa rehabilitasyon.

Paglilinaw pa ng ahensiya, ang nananatiling nakabinbin na lamang ay ang advance payment ng DOTr sa Sumitomo dahil sa hindi pa rin nalalagdaan ang panukalang 2019 General Appropriations Act kung saan kukunin ang pondo para sa proyekto.

Kahit naman anila wala pang advance payment ay sinimulan na rin ng Sumitomo ang proyekto dahil may tiwala ito sa DOTr.

“To clarify earlier reports, what is currently pending is DOTr’s payment of the advance payment to Sumitomo under the RMA, due to the pendency of the enactment of the 2019 General Appropriations Act, or the national budget, which is the funding source for the MRT-3 Rehabilitation Project,” anang DOTr sa isang kalatas.

“Fortunately, despite the pendency of the advance payment, trust and confidence in the DOTr led to Sumitomo agreeing to advance the purchase of major components for the rehabilitation, which included rail tracks and train parts for the general overhaul of the MRT-3’s 72 train cars or bagons,” bahagi pa ng pahayag ng departamento.

Muli rin namang ipinagmalaki ng DOTr na nanatiling ‘on track’ ang kanilang target na pagtatapos ng rehabilitasyon sa loob ng 26 na buwan.

Nabatid na sa ilalim ng proyekto, ang MRT-3 ay sasailalim sa rehabilitasyon at maintenance ng electromechanical components, power supply, rail tracks, depot equipment, at overhaul sa 72 light rail vehicles.

Kumpiyansa naman ang DOTr na sa sandaling matapos ang proyekto ay babalik na sa high-grade infrastructure condition ang MRT-3.

Inaasahang madaragdagan rin at aabot ng hanggang 20 tren ang kasalukuyang 15 tren lamang na napapabiyahe ng MRT-3 araw-araw, bibilis ng hanggang 60 kilometro per hour ang train operating speed ng mga tren, at iikli ng hanggang 3.5 minuto na lamang ang kasalukuyang pito hanggang 10 minutong pagitan ng pagdaan ng bawat tren sa mga istasyon nito.

 

 

 

247

Related posts

Leave a Comment