POSIBLENG gawing localized ang traslacion ng Poong Itim na Nazareno ng Minor Basilica of the Black Nazarene, o mas kilala sa tawag na Quiapo Church, kasunod ng nauna nang napagkasunduan na suspendihing muli ang tradisyunal na traslacion na dapat sana ay idaraos sa Enero 9, 2022.
Ayon kay Quiapo Church Parochial Vicar Fr. Douglas Badong, localized traslacion events ang ipapalit nila sa Traslacion 2022 upang maiwasan ang pagdagsa ng malaking bilang ng mga deboto sa Maynila sa araw ng kapistahan ng Itim na Nazareno, ngayong nananatili pa rin ang banta ng COVID-19.
Nabatid na ang naturang localized traslacion ay isasagawa mula Disyembre 27, 2021 hanggang sa Enero 8, 2022.
Ito na ang ikalawang pagkakataon na hindi magdaraos ang Quiapo Church ng tradisyunal na traslacion dahil sa banta ng COVID-19 pandemic. (RENE CRISOSTOMO)
