LAGUNA – Pumalo na sa 11 bayan ang naitalang COVID-free sa lalawigang ito, ayon sa pinakahuling bulletin na inilabas ng Laguna Provincial Health Office noong Huwebes.
Nabatid sa ulat, wala nang kaso ng COVID-19 sa mga bayan Alaminos, Majayjay, Lumban, Victoria, Liliw, Pangil, Mabitac, Paete, Luisiana, Rizal at Magdalena.
Habang sumadsad pa sa bilang na 106 ang aktibong kaso sa lalawigan kung saan naitala ang lungsod ng Calamba na may 36 active cases, sunod ang San Pedro, 13; Sta. Rosa, 7; San Pablo. 8; Biñan, 7; Cabuyao at Sta. Cruz, 5; Los Baños, 4; Calauan at Pila, 2, habang ang mga bayan ng Nagcarlan, Sinoloan, Pagsanjan, Bay at Famy ay tig-iisa na lamang.
Samantala, naitala ang kabuuang 272,000 jabs na naibigay sa nakalipas na 3-day National Vaccination Day na ipinatupad noong Nobyembre 29 hanggang Disyembre 1.
Nangunguna ang lalawigan ng Laguna sa buong bansa sa pinakamaraming nabakunahan, na may katumbas ng 129 porsyento ang naturukan ng kontra COVID-19.
Dahil rito, ginawarang ng pagkilala ng Department of Health, Department of Interior ang Local Government at National Task Force against COVID-19, ang lalawigan bilang no.1 o may highest cumulative jab rate. (CYRILL QUILO)
