KAHIT noong hindi pa panahon ng pandemya, usong-uso na ang online shopping dahil mas convenient ito kumpara sa pupunta ka sa mall, iikot ka para hanapin ang produktong nais mong bilhin.
Lalong lumakas ang online shopping sa panahon ng pandemya dahil hindi na nakalalabas ang mga tao, matagal nagsara ang mga mall at lahat halos ng negosyo kaya nagpista ang online sellers.
Bukod diyan, mas mura ang mga produktong binibili sa online shopping kumpara sa mga mall na ang laki ng diperensya ng presyo… siguro dahil nagbabayad ng renta ang mga nagtitinda. Mas iba nga lang ang idine-deliver sa inorder mo.
Dahil ang dami ng mga inoorder ng mga Filipino, hindi lamang ang mga nasa lungsod kundi sa mga probinsya, ang dami rin ng mga basura ng pinagbalutan ng mga biniling mga produkto online.
Walang proper disposal sa plastic bubbles na ginagamit ng online sellers sa kanilang mga produkto kaya lahat ng mga iyan ay napupunta sa mga basurahan at ang iba naman ay napupunta na sa mga ilog at dagat.
Inoobserbahan ko kung magkukusa ang online sellers na kolektahin ang mga basurang ito para sa proper disposal pero wala akong nakikitang pagkilos sa kanilang hanay.
Bago nauso ang online selling, problemado na ang mga gobyerno natin sa sandamakmak na basura ng mga tao, hindi lamang sa Metro Manila kundi sa urban areas sa bansa.
Kaya may mga nagrerekomenda na magtayo na lang ng incinerators para sunugin ang mga basura pero marami ang tutol dahil sa epekto nito sa kalikasan lalo na ngayong problema ng mundo ang climate change.
Kung dati ay problema na ang disposal ng mga basura, palagay ko mas lalong lumaki na ang problema dahil sa online shopping dahil sa dami ng plastic na ginagamit nila para protektahan ang mga produktong binili ng kanilang online shoppers.
Parang walang pumapansin sa problemang ito kaya huwag na kayong magtaka na malapit nang dumating ang araw na matatabunan tayo ng mga basura ng ibang bansa kung saan galing ang mga binibiling mga produkto na ibinebenta ng online sellers.
Laging reactionary ang gobyerno, ibig sabihin saka lang kikilos kapag malaki na ang problema. Hindi ba pwedeng bago lumaki ang problema ay hanapan na ng solusyon?
214 