INUMPISAHAN na ng Commission on Elections (Comelec) ang pagsala ng party-list groups na kakatawan sa mga tinaguriang marginalized sector.
Kabilang sa party-list groups na unang sinibak sa talaan ng party-list groups batay sa sa itinakdang reglamento sa Omnibus Election Code ay ang Malasakit Movement kung saan isa sa mga nominado ang kontrobersyal na dating tagapagsalita ng Metro Manila Development Authority (MMDA) at National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Kung tutuusin, dapat lang naman salain ng Comelec ang mahabang talaan ng party-list groups na sadyang isinabatas sa hangaring bigyang tinig ang mga sektor na karaniwang nakaliligtaan, kung hindi man napag-iiwanan.
Ang siste, naging daan lamang ang party-list system ng ilang mapagsamantala, mga naghahangad na pabagsakin ang gobyerno at maging ang administrasyong target na kontrolin ang Kamara.
Ilan nga ba sa party-list representative ang tunay na naninindigan sa sektor na kanilang kinakatawan?
Sa hanay ng mga hayok sa pwesto, sukdulang katawanin nila ang sektor na hindi nila kinabibilangan. May mga sectoral representatives na kumakatawan sa mga guwardiya, guro, media, obrero,
kababaihan, maralita, artista, may kapansanan, magsasaka, senior citizens, kontra-komunista, galit sa droga, at iba pang sektor na malayo naman sa kanilang mga linya.
Sa tala ng Comelec, 270 party-list groups ang naghain ng kanilang certificates of nomination and acceptance (CONA) mula Oktubre 1 hanggang 8, kasabay ang mga aspirante para sa iba’t ibang national elective posts.
Sa nasabing bilang, parang nasa 10% lang ang tunay na nagsusulong ng sentimyento ng grupong kanilang sinasakyan at ginagamit para sa sariling kapakanan.
