MAHIGIT sa 400 kalabaw ang lumahok sa pagdaraos ng Pulilan Kneeling Carabao Festival bilang pagdiriwang ng San Isidro Labrador Feast Day nitong Huwebes, Mayo 14, 2026.
Ang Kneeling Carabao Festival ay taunang ipinagdiriwang ng bayan ng Pulilan tuwing Mayo 14, araw ng kapistahan ng kanilang Patron San Isidro Labrador bilang tradisyon at pasasalamat ng mga magsasaka at ng pamahalaang lokal sa magandang ani ng pagsasaka kada taon.
Ayon kay Mayor Rolando “RJ” Peralta, ang selebrasyon ngayong taon ay ginawang simple pero makabuluhan, isang tradisyon na minana pa sa kanilang unang mga ninuno na sinimulan noong 1900’s.
Mula sa daan-daang magsasaka na lumahok ay 81 rito ay mula sa bayan ng Pulilan habang ang iba naman ay mula sa mga karatig-bayan sa Bulacan at mayroon ding nanggaling sa lalawigan ng Nueva Ecija at Pampanga.
Ayon sa alkalde, ang bawat lumahok na kalabaw ay pinaglaanan din ng Pamahalaang Bayan ng Pulilan ng halagang P2,000 financial support na labis na ikinatuwa ng mga ito bukod pa sa mga papremyong inilaan sa itatanghal na best float.
“The festival is celebrated as a tribute to the country’s national animal, the carabao or water buffalo, and in honor to San Isidro Labrador and thanksgiving as well,” wika ng alkalde.
Base sa kuwento, nagsimula ang pagdiriwang ng kapistahan sa simpleng prusisyon kung saan ito ay nag-evolve at tinuruan ng mga magsasaka ang mga kalabaw na lumuhod na siyang naging parte at highlight tuwing kapistahan na tinagurian namang Pulilan Kneeling Carabao Festival.
Ayon kay Josef C. Navarro, Tourism Officer ng Pulilan, ang Pista ng San Isidro Labrador ay siyang grandest festival ng bayan ng Pulilan bilang tribute sa tinaguriang Patron ng Magsasaka kung saan ang pagsasaka ang siyang pangunahing livelihood ng bayan ng Pulilan noong unang panahon.
Ang mga kalahok na kalabaw ay nagtipon-tipon sa Barangay Lumbak kung saan magsisimula ang 2-kilometer stretch ng grand parade at daraan sa Barangay Poblacion na magtatapos sa Barangay Paltao.
Ang paparadang colorful floats at selected carabao ay lumuhod sa harap ng simbahan ng Parokya ni San Isidro Labrador kung saan tinatayang nasa mahigit 30,000 ang mga turistang sumaksi sa nasabing okasyon.
“Sa pamamagitan ng okasyong ito ay nakikilala ang bayan ng Pulilan bilang agricultural town at binigyan-diin nito ang nagkakaisa at pagsasama-sama ng mga pamilyang Pulilenyo at nagtutulong-tulong ang mga komunidad kasama ang lokal na pamahalaan,” wika ni Peralta.
(ELOISA SILVERIO)
68 