PASADO na sa ikalawang pagbasa sa Kamara ang panukalang batas na magbibigay ng libreng licensure at civil service examinations para sa mga kuwalipikadong indigent at mga miyembro ng Indigenous Peoples (IPs).
Ang House Bill (HB) No. 8869, o ang “Free Professional Examinations Act” ay isinulong ng House leadership sa panguna nina House Speaker Faustino Dy at House Majority Leader Sandro Marcos.
Layon ng panukala na tanggalin ang pinansyal na balakid para sa mahihirap na mga Pilipino na nais kumuha ng lisensya o magtrabaho sa gobyerno.
“For many poor Filipinos, the problem is not lack of talent or determination. The problem is that even examination fees can already be too expensive,” ani Marcos.
Sa ilalim ng nasabing bill, hindi na pagbabayarin ng examination fees ang mga kwalipikadong aplikante sa mga pagsusulit na pinangangasiwaan ng Professional Regulation Commission (PRC) para sa mga board exam ng mga guro, nurse, engineer, at iba pa at Civil Service Commission (CSC) para sa mga nagnanais pumasok sa government service.
Para maging benepisyaryo, kailangang magpakita ang aplikante ng alinman sa mga sumusunod na dokumento, certificate of indigency mula sa kanilang lokal na pamahalaan (LGU) at certification mula sa National Commission on Indigenous Peoples (NCIP).
Maaari lamang i-avail ang libreng exam nang isang beses sa loob ng isang taon ng bawat kwalipikadong indibidwal.
(TINA MENDOZA)
67 