Para sa mga coconut farmers NIYOG NG PAG-ASA Ni BOY ANACTA

HALOS isang buwan matapos ang unos, nananatiling problema kung paano babangon ang hanay ng mga magsasakang nilugmok ng bagyong Odette sa iniwang pinsala sa agrikultura, bagay na tinugunan ng Bureau of Customs (BOC), na nagpas­yang ipamahagi na lamang ang kanilang mga nakumpiskang niyog para magsilbing pananim ng mga apektadong coconut farmers.

Ayon sa BOC, nasa 840,000 piraso ng mga hinog na niyog ang nakatakdang ibigay sa mga coconut farmers na nakabase sa lalawigan ng Cebu kung saan napatag halos lahat ng taniman bunsod ng
bagsik na ipinamalas ng bagyong Odette halos isang buwan na ang nakakaraan.

Sa isang pulong kasama ang mga kinatawan ng BOC, Philippine Coconut Authority at Provincial Agriculture Office, binigyang pagkilala naman ni Cebu Governor Gwendolyn Garcia ang BOC sa donasyong magsisilbing panimula at pag-asa ng mga coconut farmers mula sa kanilang lalawigan.

Aniya, ipapamahagi sa lalong madaling panahon ang mga donasyon sa hangaring muling makapagtanim ang mga magsasakang sukdulang ilug­mok ng pinsalang dala ng sama ng panahon nitong nakaraang buwan.

Sa tala ni PCA-Central Visayas officer Brendan Trasmonte, aabot sa P232 milyon ang halaga ng mga ipapamahaging niyog na itatanim sa mga sinalantang taniman sa naturang lalawigan.

Partikular na tinukoy naman ng BOC ang donasyon mula sa 42 containers na kanilang nasabat sa lalawigan ng Leyte, bunsod na rin ng umiiral na restriksyong mahigpit na nagbabawal sa pag-eexport ng mga hinog na niyog.

Kabilang sa mga rehiyong pinuksa ng bagyong Odette ang Mimaropa (Region 4-B), Western Visayas (Region 6), Central Visayas (Region 7), Eastern Visayas (Region 8), Northern Mindanao (Region 10), at Caraga (Region 13).

Sa tala ng Department of Agriculture, nasa P3.3 bilyon ang halaga ng perwisyong dala ng bagyo sa sektor ng agrikultura, habang nasa 139,000 magsasaka at mangingisda naman ang nawalan ng kabuhayan.

415

Related posts

Leave a Comment