PINANGUNAHAN ni dating Maguindanao Congressman Zajid “Dong” Mangudadatu ang paglulunsad ng Isko-Sara (ISSA) tandem sa isang restaurant sa Quezon City kamakailan.
Kasama ni Cong. Mangudadatu ang ilang Muslim leaders mula sa Taguig at Quiapo, Maynila sa kanilang paglulunsad ng naturang tandem.
Sa panayam ng PUNA kay Mangudadatu, sinabi niyang tingnan ng taumbayan kung ano ang ikabubuti ng ating bansa kung si Sara ang magiging bise presidente at si Isko ang magiging presidente.
Ayon pa sa kanya, sina Isko at Sara ay parehas mayor ng Maynila at Davao City kaya alam nila ang kanilang gagawin ‘pag sila ay nahalal na presidente at bise.
Si Isko ay mayor ng Kabisera ng Pilipinas na Maynila at si Inday Sara ay mayor naman ng Davao City na isa ring malaking siyudad sa Mindanao.
Bagama’t kaibigan ni Mangudadatu si Dr. Willie Ong na orihinal na ka-tandem ni Mayor Isko Moreno ay mas gusto nilang maging bise presidente si Mayor Sara dahil mas may karanasan ito sa pulitika.
Sa tanong ng PUNA kay Cong. Mangudadatu kung alam ba ni Mayor Sara ang kanilang paglulunsad ng ISSA tandem ay sinabi niyang “secret”.
Kasabay ng ISSA tandem launching ay sinabi ni Mangudadatu na marami silang supporters sa Mindanao na nakatakdang sumama sa kanila.
Pero kung pagbabasehan ang mga nakaraang survey sa kabila na hindi pa pormal ang anunsiyo ng BBM-SARA UniTeam, ay nakapagtala na ng 70% sa survey si dating Sen. Bongbong Marcos sa buong Mindanao na sinundan sa Visayas na may 64% at Luzon na may 60%.
Sa inilabas na video ni Mayor Inday Sara, narito ang kanyang sinabi: “Sa harap ng kabila-kabilang mga hamon at limitasyon, nagpapatuloy ang mga gawain para sa aking kandidatura sa pagkapangalawang pangulo ng ating bansa kasama ko sa mga gawaing ito, ang libu-libong volunteers, supporters sa iba’t ibang panig ng Pilipinas at ng mundo. Sila ang nagbibigay sa akin ng karagdagang lakas at tibay ng loob at inspirasyon na magpursige upang magtagumpay ang ating adhikain, lagi ring nandyan si Bongbong Marcos (BBM), ang aking kandidato sa pagkapangulo.
Nang nagdesisyon akong tumakbong pagka-vice president, pinili ko pong maging tandem si BBM. Dahil dito, nabuo ang UNITEAM BBM-SARA, nangako rin ako ng katapatan sa aking alyansang pinasok kasama ang Lakas-CMD party at Partido Federal ng Pilipinas (PFP). Mahalaga po sa akin ang paninindigan at isang salita. I truly appreciate the love of so many for me and while I continue to respect your decision to support another presidential candidate, it is with great sadness and heavy heart that I can’t be one with you on this. Patuloy ang aking dasal sa suporta ninyo sa UNITEAM, mahalaga ang pagpili ng isang team na maglilingkod sa atin, handa ang UNITEAM BBM-SARA para harapin ang mga hamon sa pamamahala.”
Sa inilabas na video na ito ni Mayor Inday Sara, lumalabas na hindi niya alam ang paglulunsad ng ISSA tandem.
Dito nabuo ang paniniwala ng marami na nais lamang ng kampo ni Isko na ang paglunsad ng ISSA tandem ay makatulong sa kanya para sa survey.
Base sa inilabas na survey ng OCTA Research na ginanap noong Disyembre 7 hanggang 12, 2021, lumalabas na nakapagtala lang si Moreno ng 12%, sumunod lang siya kay Vice Leni Robredo na may 14%.
Kung ikukumpara si Moreno na nakapagtala ng 12%, kay BBM na may 54% survey ay lumalabas na mas mataas pa ng 42% ang dating senador.
Ika nga ni Mang Goryong Barbero, marami pang bigas siyang kakainin bago niya maabot ang mataas na rating sa survey ni BBM.
Kahit pa pagsamahin ang survey ni Robredo na may 14% at kay Moreno na may 12% ay aabot lamang sila ng 26%, mas mataas pa rin ng 16% si BBM sa kanilang dalawa.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-18-40.
185 