ITULOY KAHIT ANONG MANGYARI

KAILANGANG matuloy ang eleksyon sa Mayo 9, 2022 kahit anong mangyari at hayaan ang mga tao na mamili ng mga bagong lider ng bayan na ­mamumuno sa atin sa susunod na tatlo hanggang anim na taon.

Bakit ko ito nasabi? Dahil marami ang natatakot na hindi matuloy ang eleksyon dahil sa COVID-19 na courtesy ng China sa buong mundo na hindi alam kung kailan matatapos.

Walang dahilan para hindi matuloy ang eleksyon sa ating bansa dahil maraming bansa sa mundo ang itinuloy ang kanilang eleksyon kahit nasa gitna sila ng pandemya sa COVID-19.

Kasama na riyan ang United States (US) na may pinakamaraming kaso ng COVID-19 sa buong mundo at may ­pinakamaraming namatay sa veerus na ito na hindi nakontrol ng China kasi itinago nila.

Hindi dapat maging dahilan ang pandemya para hindi ituloy ang eleksyon dahil kahit papaano ay nakakapangampanya naman ang mga kandidato kahit sa social media lang.

Ilang beses na ring sinabi ng Commission on Elections (Comelec) sa Kongreso na inilalatag na nila ang mga bagong ­panuntunan para matiyak na ligtas ang mga tao sa veerus pagpunta nila sa presinto para bumoto at maiwasan ang hawaan.

Kating-kati na ang mga tao sa eleksyon dahil eto ang pagkakataon nila na boses naman nila ang mangingibabaw. Isang beses lang sila magsalita sa loob ng tatlo hanggang anim na taon kaya huwag etong ipagkait sa kanila.

Anim na taon kasi ang ­termino ng pangulo, pangalawang pangulo at mga senador at tatlong taon naman ang mga ­congressman at governor pababa at animin na natin, marami sa kanila ang inaayawan na ng mga tao.

Kung hindi matutuloy ang eleksyon, tiyak na mae-extend ang termino ng mga ito at hindi makatarungan sa mga tao na magpatuloy silang manungkulan na walang basbas ang bayan.

At kapag nangyari iyang ­ekstensyon sa panunungkulan ng mga halal ng bayan, baka maging mitsa pa ‘yan para lalong ­mahati-hati ang ating bansa at (knock on wood) magkagulo sa ating bayan.

Palagay niyo ba hindi makikialam ang militar kapag nagkagulo? Malabo ‘yan dahil tungkulin ng ating sandatahang lakas na gumitna kapag nagkagulo ang civilian leaders. Kaya ituloy ang eleksyon, lalala man o hindi na ang pandemya!

187

Related posts

Leave a Comment