GAME NA!

ILANG kembot na lang, magsisimula na ang rambulan para sa halalan. Kanya-kanyang gimik, paandar at paasa sa hangaring masungkit ang suporta ng masa.

May mga nangangako ng langit at lupa, pati tala iko-kompromiso pa. May sasayaw at kakanta sa social media na magsisilbing entablado para sa pangangampanya. Hindi magpapaiwan ang mga asintado sa pamumukol ng mga patutsada at paninira sukdulang puntiryahin ang personal na buhay at kani-kanilang pamilya.

Mayroon din namang nakasandal sa bayad na patalastas, wari mo’y patunay ng sako-sakong pera.

Ang totoo, hindi biro ang pagpasok sa pulitika lalo pa’t nakagawian ang magastos na kampanya. Pero sino nga ba ang karapat-dapat na ihalal ng masa? ‘Yun bang mahusay magtalumpati, dalubhasa sa paninira, may rekord ng pandaraya, epal at artista, o yaong maganda ang plataporma?

Bago pa man ang takdang araw na hudyat ng pangangampanya, ­marami na ang nagpapakitang gilas sa hangaring ang boto natin ay mapitas. Pero sa likod ng talumpating matatas, ingat-ingat sa mga ungas.

Hindi sapat ang platapormang puro pabida. Ang higit na kailangan ay sinseridad na paglingkuran ang masa.

Ang problema, paano kikilatisin ang mga kandidato? Ang sigurado, hindi pamantayan ng husay at sinseridad ang mga pa-epal ng mga politikong puro pasikat lang sa telebisyon at radyo. Hindi rin angkop na paniwalaan ang mapanirang politiko. At lalong hindi angkop na magkunwaring oposisyon gayong napapaligiran naman ng mga hunyango.

Ang angkop na kupkupin ang yaong may simpleng platapormang may kalakip na paraan kung paano isasakatuparan ang mga ito, mga tahimik na tumutulong, mga hindi pumapatol sa bulong at higit sa lahat – yaong iboboto ng mas nakararaming Pilipino.

391

Related posts

Leave a Comment