NOONG Hulyo ng nakaraang taon, masayang-masayang ibinalita ng inyong lingkod na ako po at ang aking kabiyak na si Annie ay kapwa fully vaccinated na. Iyon ay matapos naming matanggap ang aming second dose ng Pfizer vaccine. Sino ba ang hindi magagalak kung malaman mo na kahit paano ay ligtas ka na sa COVID?
Mali pala! Ilang buwan lamang ang nakalipas ay ginulat tayo ng balitang kailangan pa ng booster shot para maging ligtas sa virus. Sabi’y anim na buwan matapos ang 2nd dose ang pinakamainam para sa booster shot.
Ngunit hindi nagtagal, ang anim na buwang pagitan ay naging tatlong buwan na lang. Ibig sabihin, Setyembre 2021 pa dapat nagpa-booster shot kaming mag-asawa upang maging protektado kami sa verus (ayon sa Pangulo)?
Sa totoo lang, nababahala ang inyong lingkod pati ang aming mga kapamilya, kaibigan at kakilala kaya sinisikap naming magpa-schedule para sa booster shot. Kaya halos lahat ng mga nababalitaan naming vaccination sites sa NCR na may drive-thru vaccination ay aming pinupuntahan. Problema ay walang senior lane para sa kagaya namin. Ako po ay 82 anyos na at ang misis kong si Annie ay 70.
Magandang balita sana sa amin ang drive-thru vaccination para hindi na kami makipagsiksikan sa kulob at siksikang vax site. Hiling lang ng aming anak na si Wendell na siyang nagpapalista sa aming mag-asawa, kung maaari ay sa hapon na kami mapaturukan dahil siksikan sa umaga, dahil karamihan sa mga nagpapabakuna ay gabi pa lang ay nakapila na. Ngunit hindi kami napagbigyan.
Naipalista kami ni Wendell sa isang drive-thru vaccination sa Manila at binigyan kami ng alas-8 ng umaga na schedule. Dumating kami bago mag-7 pero nagulat kami dahil humigit-kumulang isang kilometro na ang haba ng mga sasakyan sa dalawang linyang pila. Sa kabila nito, matiyaga kaming pumila habang ang isang kasama namin ay naghanap ng palikuran, para kung sakaling makaramdam kaming mag-asawa ng ‘tawag ng kalikasan,’ ngunit wala siyang nakita. Dahil umuulan pa noon ay nagdesisyon na kaming umuwi na lang.
Nakakailang metrong takbo pa lang ang aming sasakyan ay may nakita kaming isa pang drive-thru vaccination sa Quirino Grandstand at ang magandang balita, pwede ang walk-in. Problema, hindi kami pinayagang pumila ng bantay na pulis dahil hindi raw kami nakarehistro.
“Akala namin puwede ang walk-in?” tanong namin.
“Puwede nga walk-in, pero kailangang magparehistro,” sagot ng pulis.
Kaya sa halip, nagparehistro na lang kami para sa nakaiskedyul na susunod na vaccination dito.
Dumating ang pinakahihintay na araw, maaga pa ay lumuwas na kami dala-dala ang lahat ng aming requirement. Ngunit nang sumapit kami malapit sa Manila Hotel ay pinigil kami ng mga pulis.
Ubos na raw ang bakunang kailangan namin para i-partner sa Pfizer.
Bakit ko ito ibinabahagi sa inyo?
Para patunayan na hindi ang kakulitan o katigasan ng ulo ng mga Pilipino ang problema kung bakit marami pa rin ang walang bakuna sa COVID-19. Ang tunay na dahilan ay kawalan ng sapat na
kaalaman ng mga nagpapatupad ng kautusan kaugnay sa nasabing virus.
