BALITANG NBA Ni VT ROMANO
TOP scorer si Devin Booker sa panalo ng Phoenix Suns laban sa host Philadelphia 76ers, 114-109, Martes ng gabi (Miyerkoles sa Manila).
Pero malaking bahagi ng panalo ay buhat kay Chris Paul, may 16 points at 12 assists tungo sa kanilang NBA-high 44th win.
Back-to-back win ito ng Suns, matapos palubugin ang Chicago Bulls, 127-124, Lunes ng gabi.
Inaasahang muling aarangkada si Paul laban sa defending champion Milwaukee Bucks sa susunod nilang laro.
“You’re a cold piece of work, CP3,” komento ni Booker.
Hinabol ng Suns ang 14-point deficit tungo sa ika-14 panalo sa 15 games, at record 44-10.
“Our goal is what everybody knows it is,” hayag ni coach Monty Williams. “But our mission is to do stuff like we did tonight along the way.”
Matapos manalo laban sa Chicago, pinag-day off ni Williams ang Suns. Pinatulog o pinagpahinga niya ang tropa at iniskrats maging ang shootaround.
“We knew it was going to be a day where we needed juice,” dagdag niya.
Nakahirit si Paul ng big plays para sa Suns sa stretch upang tulungan si Booker.
Si Joel Embiid ay may 34 points at 12 rebounds para sa Sixers, pero may dalawang miscues sa final minutes na nakaapekto sa paghahabol ng Philadelphia.
Naitala ni Embiid ang ikalimang sunod na 25-point, 10-rebound game, pinakamahabang streak sa NBA sa nakalipas na dalawang season at longest din para sa Sixers players, mula nang magtala rin siya ng six straight noong 2018-19.
Pinangunahan ni Paul ang back-and-forth second half ng Suns, kung saan may 1 of 2 free throws siya para sa 100-99 lead. Nabigo ang Sixers sa defensive rebound at agad napulot ni Paul ang bola, sabay baon ng 3-pointer.
Naisalaksak ni Seth Curry ang biggest shot niya sa game matapos ang walong mintis, kabilang ang lima mula sa 3-point range, bukod sa inaalagaang limang fouls nang ibato niya ang tres at ilapit sa isang puntos ang Sixers.
Ngunit patuloy ang pagtira ng Suns sa free throws (22 of 24 overall) para manatiling angat at humirit pa si Paul ng 20-footer tungo sa 110-104 lead.
Nagsumite si Tobias Harris ng 30 points at napanatiling buhay ang Sixers nang pumukol ng tres.
Dito na dumating ang dalawang miscues ni Embiid – mintis sa tres, kasunod nito ay ibinato ang bola sa malayo para sa turnover, kaya’t naselyuhan ng Phoenix ang W.
Nagdagdag si Mikal Bridges ng 23 points at may 14 rebounds naman si Jae Crowder para sa Suns.
CLIPPERS SUBSOB SA GRIZZLIES
NILAMPASO ng host Memphis Grizzlies ang Los Angeles Clippers, 135-109, sa pangunguna nina Ja Morant, may 30 points at Jaren Jackson, 26 points at 11 rebounds at winalis ang season series.
Si Morant ay may 12-of-19 shooting sa Grizzlies para sa 51.5% (53-of-103) at in-extend ang kanyang streak na 30-point games sa siyam sa huling 10 outings.
Ikatlong sunod na game naman ito ni Jackson na umiskor siya ng nasa 21 points at ikalawang double-double sa tatlong laro.
Anim na Grizzlies ang may double figures kabilang ang tatlo off the bench: Brandon Clarke 18 points; Kyle Anderson 11 points; at John Konchar at Ziaire
Williams tig-10 points.
Top-scorer sa Clippers si Isaiah Hartenstein, 7-of-11 para sa total 19 points. Nag-ambag si Norman Powell ng 16 points, pero one field goal lang sa second half.
May tig-14 points sina Robert Covington at Terance Mann, habang may 13 points si Amir Coffey at 12 mula kay Reggie Jackson.
Mula sa 14-12 deficit sa first quarter, nagtala ang Grizzlies ng 9-0 run tungo sa 26-13 sa final 7:38 ng period. Iniskor ni Steven Adams ang lima sa kanyang nine points sa unang 9-0 burst, na nagbigay sa Memphis ng abante at hindi na binitiwan upang hablutin ang ikaapat at huling panalo laban sa Los Angeles ngayong season.
Sa apat na panalo ng Grizzlies laban sa Clippers, nadadagdagan ang kalamangan mula sa anim, naging 12, 15 at pinakahuli itong blowout win.
Sa third quarter pa lang, halos nadesisyunan na ang resulta nang ma-outshout ng Memphis ang Los Angeles, 14-of-24 laban sa 7-of-19.
LEBRON, LAKERS PISAK SA BUCKS
IN-EXTEND ni Giannis Antetokounmpo at ng bisitang Milwaukee Bucks sa apat ang winning streak, nang sagasaan ang Los Angeles Lakers, 131-116.
Naglista si Antetokounmpo ng 44 points, 14 rebounds at eight assists, habang si Bobby Portis ay nagdagdag ng 23 points para sa Milwaukee, may 54.2% shooting (sa floor) at nagawang tambakan hanggang 30 puntos ang Lakers sa third quarter.
Nag-ambag din si Khris Middleton ng 21 points, si Jrue Holiday ay may 15 points at 10 assists, at 12 points mula kay Grayson Allen.
Naipasok ni Antetokounmpo ang kanyang first 11 shots at tumapos na may 17-of-20 sa field-goal attempts.
Nanguna si LeBron James para sa Lakers, 27 points at eight assists, habang si Anthony Davis ay 22 points at nine rebounds.
May 20-point output si Malik Monk, nagdagdag si Stanley Johnson ng 16 at tig-10 points sina Russell Westbrook at Austin Reaves. May team-high 10 rebounds din si Westbrook.
Nagawang humabol ng Lakers, 118-108 nang umiskor si Monk para tapusin ang 25-9 run, 5:05 ang natitirang oras. Ngunit agad nabawi ng Milwaukee ang kontrol sa final minutes ng laro.
Ikalimang talo ito ng Lakers sa nakalipas na pitong laro, habang umangat ang Milwaukee sa season-high 14 games over .500.
Nakatikim din ng lamang ang Lakers, 12-10 mula sa trey ni Monk, 8:14 sa first quarter, bago kinuha ng Milwaukee ang manibela hanggang matapos ang game.
Pagsapit ng halftime, 22 points na ang abante ng Bucks, 78-56, sa likod ng pinagsamang 44 puntos nina Antetokounmpo at Middleton.
Ipinagpatuloy ng Bucks ang pagkatay sa Lakers matapos ang break nang ilatag ang 99-69 lead buhat sa 3-pointer ni Portis, 6:05 sa third period.
Wagi ang Milwaukee sa ikatlong sunod na laro laban sa Lakers, lumarong wala sina Carmelo Anthony (hamstring) at Dwight Howard (back).
Umangat ang Milwaukee sa 18-0 ngayong season kapag umiiskor ng at least 120 points. Umiiskor ang Bucks ng average 135 points sa nakalipas na tatlong laro.
Samantala, muling tinalo ng host Denver Nuggets ang New York Knicks, 132-115. Habang kahit kulang sa tao, nanaig pa rin ang New Orleans Pelicans laban sa Houston Rockets, 110-97.
Nagtala ang Dallas Mavericks ng 116-86 win kontra Detroit Pistons. Muli ring natalo ang Brooklyn Nets, sa pagkakataong ito laban sa Boston Celtics, 126-91.
Nagwagi naman ang Orlando Magic laban sa Portland Trail Blazers, 113-95, at panalo rin ang Minnesota Timberwolves kontra Sacramento Kings, 134-114.
