DEATH TOLL SA BAGYONG INDAY UMAKYAT NA SA 18; 12 PA NAWAWALA

HABANG papalayo sa Philippine Area of Responsibility (PAR) ang Bagyong Inday, patuloy naman nitong pinalalakas ang southwest monsoon o habagat na nagdudulot ng malalakas na pag-ulan sa iba’t ibang bahagi ng bansa kaya nagpapatuloy ang validation ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC) sa lawak ng pinsalang idinulot nito sa buong kapuluan.

Ayon sa Office of Civil Defense (OCD), umakyat na sa 18 ang bilang ng mga nasawi habang 12 naman ang nawawala at pito ang nasugatan dahil sa pinagsamang epekto ng Bagyong Inday at pinalakas na habagat.

Kabilang sa mga nasawi ang sampung katao sa Malapatan, Sarangani; dalawa sa Bukidnon; at anim sa Calanogas, Lanao del Sur, karamihan ay dahil sa pagkalunod at pagguho ng lupa.

Samantala, pito naman ang nasugatan sa magkakahiwalay na insidente ng landslide sa Torrijos, Marinduque; Malapatan, Sarangani; Jose Abad Santos, Davao Occidental; Calanogas, Lanao del Sur; at Baguio City, Benguet.

Sa mga nawawala, pito ang mula sa Jose Abad Santos, Davao Occidental habang lima naman ang mula sa Calanogas, Lanao del Sur.

Ayon kay Office of Civil Defense Deputy Administrator for Operations Assistant Secretary Bernardo Rafaelito Alejandro IV, patuloy pa ring bineberipika ng mga awtoridad ang mga ulat mula sa mga apektadong lugar.

“There were several injured individuals reported pero mababa naman ito,” ani Alejandro.

Aabot naman sa 123,000 pamilya o mahigit 562,000 indibidwal mula sa 404 barangay sa Regions 2, 3, 5, 12, CALABARZON, Bangsamoro Autonomous Region in Muslim Mindanao (BARMM), at Zamboanga Peninsula ang naapektuhan ng bagyo at habagat.

“As of this morning, mayroon na tayong 123,000 families more or less na directly affected ng Habagat at Typhoon Inday coming from 404 barangays from Region 2, CALABARZON, Region 3, 5 hanggang Region 12, BARMM and Zamboanga,” dagdag ni Alejandro.

May 4,200 pamilya o halos 16,000 indibidwal ang kasalukuyang nananatili sa 116 evacuation centers habang nasa 7,000 pamilya naman ang pansamantalang nakikituloy sa labas ng mga evacuation center ngunit patuloy na minomonitor ng mga awtoridad.

Posible pang tumaas ang bilang ng mga binahang lugar na una nang naitala sa 32 dahil inaasahang mararanasan pa ang habagat hanggang Lunes.

Naitala rin ang 14 na bahay na tuluyang nasira habang 222 ang bahagyang napinsala o kabuuang 236 kabahayan.

Umakyat na rin sa ₱28.57 milyon ang halaga ng ayudang naipagkaloob sa mga apektadong pamilya.

(JESSE RUIZ)

58

Related posts

Leave a Comment