LALAKI HULI SA TANGKANG PAGNANAKAW SA QC

KALABOSO ang isang lalaki matapos mahuli sa aktong nagnanakaw ng copper na tubo mula sa air-conditioning unit ng isang diagnostic center sa Quezon City noong Hulyo 10, Biyernes.

Ayon kay Quezon City Police District (QCPD) PBGen. Randy Glenn Silvio, kinilala ang suspek na si alyas “Jomar”, 39-anyos, residente ng Brgy. Balon Bato, Quezon City.

Batay sa ulat ng La Loma Police Station 1, sa pamumuno ni PLt. Col. Jose Luis Aguirre, ang suspek ay may rekord na ng mga nakaraang paglabag sa batas dahil sa kasong attempted theft, trespassing, at malicious mischief.

Nabatid sa imbestigasyon, bandang alas-6:25 ng gabi noong Biyernes, nakarinig ang security guard na naka-duty sa isang diagnostic center sa kanto ng A. Bonifacio Avenue at Pag-asa St., Brgy. San Jose, Quezon City, ng malakas na tunog ng pag-spark ng kuryente mula sa fire exit sa ikalawang palapag. Nang kanyang suriin ang lugar, naabutan niya ang suspek sa tabi ng outdoor air conditioning unit at natuklasang naputol na ang copper tubing nito.

Agad na pinigilan ng security guard ang suspek at humingi ng tulong sa mga tauhan ng PS 1 na nagpapatrolya sa malapit. Mabilis namang nagresponde ang mga awtoridad inaresto ang suspek. Narekober mula sa pag-iingat ng suspek ang isang naputol na copper tube, na pinaniniwalaang kinuha mula sa nasirang air conditioning unit.

Batay sa beripikasyon gamit ang Investigation Solution Automatic Verification (ISAV) System, natukoy na ang suspek ay isang “repeat offender” o paulit-ulit na lumalabag sa batas, na may nakaraang mga kaso kaugnay ng paglabag sa Republic Act No. 9165 noong Abril 2025, Republic Act No. 9287 noong Marso 2026, at Presidential Decree No. 1602 noong Mayo 2026.

Inihahanda na ang mga kasong attempted theft, trespassing, at malicious mischief laban sa suspek sa tanggapan ng Quezon City Prosecutor.

Kaugnay nito, pinuri naman ni PBGen. Randy Glenn Silvio ang pagiging mapagmatyag ng security guard at ang mabilis na pagresponde ng mga pulis, binigyang-diin na nananatiling pursigido ang QCPD sa kampanya nito laban sa mga paulit-ulit na lumalabag sa batas at sa lahat ng uri ng kriminalidad.

(PAOLO SANTOS)

53

Related posts

Leave a Comment