IMPEACHMENT RECORDS ISINAPUBLIKO NG SENADO

IPINAGMALAKI ni Senate President Sherwin Gatchalian na accessible na sa publiko, sa pamamagitan ng Senate website, ang lahat ng dokumento na may kinalaman sa kasalukuyang impeachment trial laban kay Vice President Sara Duterte para matiyak ang pagiging bukas at malinaw ng proseso.

“Sisiguraduhin natin na lahat ng dokumento at ebidensya ay makikita ng publiko dahil naka-upload na ang mga ito sa Senate website,” ani Gatchalian.

Binigyang-diin din niya na ang pagbibigay ng access sa mga kaugnay na dokumento para masuri ng publiko ay mahalagang hakbang para mapanatili ang integridad ng Senado.

Ipinaliwanag ni Gatchalian na sa pamamagitan ng pagpapanatili ng isang komprehensibong digital repository ng mga proseso ng impeachment, masisiguro ng institusyon na mabeberipika mismo ng mamamayang Pilipino ang mga ebidensya, sa halip na umasa lamang sa mga nakikita nila sa social media.

“Inaanyayahan natin ang publiko na suriin, basahin, at unawain para sa kanilang sarili ang mga proseso. Batid natin na habang kami sa Mataas na Kapulungan ay umuupo bilang mga senator-judge, ang tunay at huling hukom sa impeachment trial na ito ay ang mamamayang Pilipino,” pahayag niya.

Ayon sa Senate President, inatasan na niya ang Senate Secretariat na tiyaking may sapat na resources upang mai-upload ang mga dokumento sa pinakamabilis at pinaka-episyenteng paraan sa sandaling iharap ang mga ito sa paglilitis.

(DANG SAMSON-GARCIA)

70

Related posts

Leave a Comment