EX-VICE MAYOR IDINAWIT SA P110-M ILIGAL NA KONTRATA SA QUEZELCO

NASA hot water ngayon si dating Unisan Vice Mayor Danilo Suarez Jr. dahil sa umano’y pagkakasangkot nito sa iligal na kontratang ipinasok noong siya’y naninilbihan pa bilang director at president ng ­Quezon Electric Cooperative, Inc. (QUEZELCO I) mula taong 2013 hanggang 2016.

Lumabas kasi sa pagsisiyasat ng Committee on Investigation and Appeals (CIA) na diumano’y todo sa pag-iwas si Suarez sa pagsagot sa ipinupukol na akusasyon laban sa kanya kaugnay sa umano’y pagbili ng mga kuntador na nagkakahalaga ng P110,000,000 na hindi dumaan sa tamang ­proseso ng Bidding na ipinatutupad ng National Electrification Administration (NEA).

Batay sa isinagawang pag­susuri ng Committee On Investi­gation and Appeals (CIA), nagpalabas umano si dating Vice Mayor Suarez ng mga resolution na salungat sa Republic Act No. 9184 o mas kilala bilang Revised Procurement Act.

Lumalabas na dalawang beses na naghain ng resolution si dating Vice Mayor Suarez Jr. upang palawigin pa ang kontrata ng kooperatiba sa ENEX ELECTRIC para sa pagbili ng ‘INTECH’ KWH METERS, isang uri ng kuntador, nang hindi dumaan sa kinakailangang public bidding.

Batay sa report o ulat, bumili ang QUEZELCO I ng 3,600 na piraso ng ‘INTECH’ KWH METERS mula sa buwan ng Hulyo hanggang Disyembre ng 2015 na nagkakahalaga ng P7.695 milyon at nasundan pa ito noong 2016 kung saan muli itong bumili ng dagdag na 3,600 piraso ng nabangit na kuntador sa katulad pa ring presyo.

Sa kabuuan, umaabot sa P110.9 milyon ang ginastos ng QUEZELCO I para sa pagbili ng INTECH KWH at iba pang ka­gamitan sa ENEX ELECTRIC mula sa buwan ng Mayo 2013 hanggang Disyembre ng 2016.

Kasabay nito, napag-alamang nagkulang umano sa isinagawang pag-aaral sa kalidad at presyo ng mga nabiling kuntador. Hayagan din umanong sinuway ng mga director ng QUEZELCO I ang utos ng NEA na magsagawa ng bidding ukol dito.

Isa rin umanong ­malaking palaisipan ang tila pikit-mata at tikom ang bibig, at ang ­pana­nahimik ng mga direktor sa hayagang pagsuway ng ENEX sa napagkasunduang kontrata na kung saan minadali ang pagbabayad sa kumpanya na inabot ng sampung (10) araw lamang at ­hindi anim napung (60) araw na nakasaad o nakapaloob sa kontrata.

Kataka-taka rin umano ang tila malamya ring aksyon ng QUEZELCO I, sa maaaring pananagutan ng ENEX sa pagkaantala ng delivery ng halos isang buwan na maituturing ding pagsuway sa itinatadhana sa “REVISED PROCUREMENT ACT”.

Kitang-kita umano sa isina­gawang imbestigasyon na mayroong pananagutan ang dating pangulo at director na si dating Vice Mayor Danilo ­Suarez Jr. kaugnay ng mga iregularidad na ­transaksyon noong ito’y ­nanunungkulan pa bilang ­presidente ng QUEZELCO I, bagama’t hanggang sa ngayon ay hugas-kamay pa rin ito sa ­naturang isyu.

178

Related posts

Leave a Comment