ANG lalawigan ng Rizal sa dakong silangan ng kabisera, sadyang nakamamangha. Sa sobrang ganda, ininteres ng isang kontratista. Ang target – isang malawak na hasyendang kasing laki lang naman ng Makati City.
Pero teka, sino nga ba ang tinutukoy na kontratista? Dulog ng mga residente sa bulubunduking bahagi ng Baras (Rizal), isang mayamang pamilya sa likod ng Blue Star Construction and Development Corporation ang sa kanila ay nanggigipit gamit ang isang dokumentong pilipit.
Partikular nilang tinukoy ang Memorandum of Agreement (MOA) na nilagdaan ng isang dating kalihim ng Department of Environment and Natural Resources (DENR). Sa ilalim ng naturang MOA, isinalin ng gobyerno sa Masungi Georeserve ang pangangasiwa sa 2,700 ektarya para protektahan ang kalikasan.
Ang totoo, hindi masamang pangalagaan ang kalikasan, lalo pa’t dito nakasalalay ang isang maganda at luntiang kinabukasan. Ang siste, parang hindi naman yata angkop na gamitin ang kalikasan para matupad ang ambisyong pinakaaasam.
Ang higit na nakalulungkot ay ang kwestyonableng MOA na wala man lang teknikal na paglalarawan kung saan ang hangganan. Sa madaling salita, pwede saan mang direksyon ang makursunadahan, sukdulang saklawin ang ancestral domain ng mga katutubong unang nanahan sa mga kabundukan.
Kwento pa sa akin ni Ka Bador na tumatayong tagapamuno ng mga katutubong pinapasibat sa kanilang kinagisnang tahanan, pati ang kapulisan ay ginagamit ng mga gahaman, sukdulang paratangan ang mga residente ng kabundukan na ayon sa PD 324 ay hindi dapat pakialaman – maliban na lang kung may pahintulot ng mga katutubong Dumagat na naroroon mismo sa kursunadang kabundukan.
Kung tutuusin, malawak na ang sakop ng mga kontratistang nagpapanggap na maka-kalikasan, kaya lang sadya yatang may mga taong walang kakuntentuhan.
Personal kong binisita ang Barangay Pinugay sa Baras kamakailan. Kita ng sarili kong mga mata ang abang sitwasyon ng mga kaawa-awang Dumagat na hindi na makuha pang umuwi sa kani-
kanilang mga tahanan makaraan bakuran anila ng Masungi Georeserve ang kanilang lupang tinitirhan at sinasaka bilang kabuhayan.
Bukod sa kanilang mga sakahan at tahanan, sinarhan din ang kanilang daan patungo sa kanilang sagradong pook kung saan sila nananalangin.
Sa ilalim ng umiiral na mga batas, ang mga katutubong nasa kani-kanilang ancestral domain ay pinoprotektahan laban sa mga mapagsamantala, lalo pa’t karamihan sa mga katutubo ay salat sa aral at pag-unawa sa mga dokumentong kadalasang gamit ng mga nagsasamantala upang sila’y itaboy.
Ang tanong – sinong tiwali sa DENR ang sinasandalan ng kontratistang haciendero? MakikiTA MO RIYAN ang taong halos lumuwa na ang mata sa sobrang kabusugan!
(Si Fernan Angeles ay editor-at-large ng SAKSI Ngayon)
