GEN Z TALKS ni LEA BAJASAN
‘YUNG viral na video sa loob ng Jollibee, hindi naman talaga dapat pag-usapan kung maayos lang ang nangyari. Pero hindi eh. Isang doktor, kasama ang asawa niya, nagwala sa counter dahil sa refund. Hindi lang simpleng reklamo. Malakas ang boses, may masasakit na salita, at umabot pa sa paghagis ng mga gamit. Para sa akin, doon pa lang, tapos na ang usapan kung sino ang mali.
Ang mas nakapagtataka, ang liit lang ng pinagmulan. Cashless ang bayad, tapos gusto cash ang refund. Ipinaliwanag ng staff na hindi ganoon ang sistema, na aabutin ng ilang araw bago bumalik ang pera sa e-wallet. Normal iyon. Kahit saan ka pumunta, ganoon talaga. Hindi iyon desisyon ng kaharap mong empleyado. Pero roon pa lang, sumabog na.
Aaminin ko, naiirita rin ako sa mga ganitong abala. Walang may gusto ng delay, lalo na kung pera ang pinag-uusapan. Pero hindi ko ma-gets kung bakit kailangang umabot sa ganitong eksena. Hindi mo naman kaaway ang staff. Wala silang control sa policy. At higit sa lahat, hindi nila deserve na sigawan o hagisan ng kahit ano. ‘Yung utensil holder sa counter, minsan mainit iyon. Puwedeng may masaktan doon.
Dito na pumapasok ‘yung mas mabigat na usapin. Doktor ‘yung involved. At oo, mahalaga iyon. Hindi dahil kailangan silang maging perpekto, kundi dahil may inaasahang asal.
Kung kaya mong mawalan ng kontrol sa isang simpleng inconvenience, mapapatanong talaga ako kung paano ka magdedesisyon sa mas seryosong sitwasyon. Hindi ito tungkol sa pagiging magaling sa trabaho. Tungkol ito sa ugali kapag naiipit ka na.
At hindi na rin bago ang ganitong kwento. Ilang beses na tayong nakakita ng ganito, tapos mawawala rin na parang walang nangyari. May mga propesyon na parang may sariling proteksyon. May koneksyon, may pangalan, kaya natatakpan. Kaya ganito kaingay ang reaksyon ng mga tao. Hindi lang ito tungkol sa iisang video. Pagod na rin ang mga tao sa paulit-ulit na ganitong asal na parang laging napapalusot.
Sa isang punto, kailangan din nating aminin na ang kilos sa publiko ay isang pagpili. Hindi ito awtomatikong bunga lang ng pagod o inis. Palaging may sandali na pwede mong pigilan ang sarili mo, huminga, at huwag idamay ang ibang tao. Lalo na kung nasa pampublikong lugar ka, lalo na kung may mga empleyado na wala namang kinalaman sa pinanggagalingan ng galit mo. Kasi sa dulo, hindi lang pangalan mo ang nakikita ng tao sa ganitong sitwasyon. Nakikita rin nila kung paano mo tratuhin ang mga taong walang laban sa ‘yo.
Sa totoo lang, simple lang naman ito para sa akin. Lahat napapagod. Lahat naiirita. Pero hindi iyon lisensya para magwala sa pampublikong lugar at mandamay ng ibang tao. ‘Yung mga nandun, gusto lang kumain at magtrabaho nang maayos. Hindi nila kailangan makisalo sa galit ng iba. At kahit ano pa ang titulo mo, hindi iyon sapat na dahilan para maging ganito ang asal mo.
246 