MOST COMPLAINED AGENCY ANG LTO

CLICKBAIT ni JO BARLIZO

TILA wala namang nagulat nang ihayag ni Anti-Red Tape Authority (ARTA) Secretary Ernesto Lopez sa isinagawang press briefing ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Martes, Mayo 5, na namamayagpag ang Land Transportation Office (LTO) bilang “most complained agency” sa bansa.

Batay sa kumpirmasyon ni Sec. Lopez, naungusan na ng LTO ang Food and Drug Administration (FDA) sa unang puwesto.

Malinaw na indikasyon ng patuloy na pagkadismaya ng publiko sa serbisyo ng LTO na dapat sana’y mabilis at maaasahan.

Paano ba naman kasi, paulit-ulit ang mga reklamo tulad ng mabagal na pagproseso, pabago-bagong requirements, at paglabag sa citizens’ charter. Taon-taon na itong inuulat at nirereklamo pero ganun pa rin ang sistema sa ahensya —may aksyon kapag may reklamo, ngunit walang sistemikong pagbabago.

Kaya may ilang nagsusulong ngayon ng digitalization sa ahensya para raw maputol na ang presensya ng mga fixer.

Bakit nga ba hindi, ang full digitalization ng LTO ay daan tungo sa modernisasyon at integridad. Ang end-to-end online transactions, real-time tracking, cashless payments, at automated verification ay maituturing na mga pangunahing safeguard laban sa katiwalian.

Pero hindi sapat ang basta paglipat sa digital. Kung ang sistema ay mabagal, madalas mag-crash, o hindi accessible, lalo lamang nitong itutulak ang publiko pabalik sa fixer. Ang digitalization na walang reliability ay wala ring kwenta.

Isa pang hindi dapat iwasan ang pagkakaroon ng pananagutan. Kahit gaano pa ka-advanced ang sistema, kung walang mahigpit na internal monitoring at pagpaparusa sa mga tiwaling tauhan, mananatiling butas ang proseso. Ang teknolohiya ay kasangkapan lamang dahil ang disiplina at political will ang tunay na susi.

Ngayon, handa ba ang LTO na baguhin ang sarili nitong kultura? Sa panahong ang serbisyo publiko ay dapat nakasentro sa mamamayan, hindi katanggap-tanggap ang maging numero uno sa reklamo.

Kung seryoso ang pamahalaan sa pagputol ng red tape at korupsyon, panahon na para bigyang daan ang ganap, maayos, at mapagkakatiwalaang digitalisasyon ng LTO.

Kung maaari nga, sa lahat na ng ahensya ng pamahalaan. Mabilis na ang daloy ng buhay ngayon kaya dapat nakasasabay rin ang serbisyo publiko.

209

Related posts

Leave a Comment