OPISYAL NA PAHAYAG tungkol sa JEEPNEY PHASE-OUT

Mariing pinaninindigan ng AP Partylist ang aming pahayag ukol sa usapin ng jeepney phase-out kasama si Coco Martin noong Grand Rally sa Cebu noong ika-1 ng Marso.

Muli, naninindigan kami na tumututol kami HINDI sa modernisasyon ng mga jeepney sa bansa na makakatulong sa lahat, higit na sa ating mga pasahero at sa kalikasan kundi sa JEEPNEY PHASE-OUT na magiging dahilan ng PAGKAWALA NG TRABAHO ng ating mga drayber at operator na kasalukuyan pa rin nahihirapan sa panahon ng pandemya at pagtaas ng presyo ng krudo. Nasimulan ang modernisasyon bago magsimula ang pandemya at malaki na ang pinagbago ng sitwasyon mula noon.

Bago pa man ipatupad ang lockdown noong 2020 na nagpatigil ng pagbiyahe ng libo-libo nating drayber ng ilang buwan, karamihan sa o kung hindi man lahat ng 600,000 na drayber at 300,000 na maliliit na operator sampu ng kanilang pamilya, suportado nila ang Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP) at sumasang-ayon sa adhikain ng pamhalaan upang maiangat ang industriya ng pampublikong transportasyon sa bansa subalit ang pinakamahalang katanungan ay: SINO ANG GAGASTOS? Ngayong panahon ng pandemya, hindi biro ang tanong na ito.

Ayon sa Department of Trade and Industry, ang presyo ng bagong PUV ay tumaas mula P1.6 milyon noong 2017 at naging P2.5 milyon noong 2020 sa mga unang buwan ng pandemya. Kaya naman napilitang doblehin ng Department of Transportation ang subsidiyang P80,000 para maging P160,000. Gayunpaman, maging ang pamahalaan ay nakakaalam na ito ay hindi sapat sapagkat ang buwanang bayad sa modernong PUV ay P24,000 hanggang P40,000 na lubhang mas mataas kaysa sa buwang bkita ng mga drayber na P8,000.

Kaya naman ipinaglalaban ng AP Partylist ang pag-postpone ng jeepney phase-out at sinusuportahan ang pamahalaan sa paghahanap ng SAPAT NA SUBSIDIYA at FISCAL at INVESTMENT INCENTIVES upang ating matulungan ang MODERNISASYON ng TRANSPORTASYON na hindi apektado ang hanapbuhay ng daan-libong pamilya.

Kabilang sa misyon ng AP Partylist ang professionalization ng mga transport workers upang dumami pa ang disiplinadong mga drayber at masiguro ang kaligtasan ng ating mga pasahero. Patuloy kaming susuporta sa mga programa ng pamahalaan para mabigyan ng training at edukasyon anga ting mga drayber at kanilang pamilya.

Ipinablalaban namin ito dahil ito ang ipinarating sa amin ng mga stakeholders na aming kinonsulta. Bago pa man ang panahon ng kampanya ay puspusan na ang paglilibot ng ating mga nominee at miyembro upang magbigay-suporta sa mga transport workers at kanilang mga pamilya sa pamamagitan ng pagbibigay ng trabaho, ayuda, scholarships, relief goods, libreng insurance, atbp. Marami sa Team AP, kabilang mismo si Coco Martin, ay maralita na ang tanging pinagkakakitaan upang buhayin ang pamilya ay ang pagbibiyahe ng mga pampublikong sasakyan kagaya ng jeep at tricycle.

1097

Related posts

Leave a Comment